Pagkapindot ko sa file ay bumukas ang media player ng laptop. So far, walang kakaiba dito. Black screen. Sinilip ko ang bar sa baba at nakitang kasalukuyan nang bumibilang nang pataas ang runtime. 4... 5... 6... seconds, kahit na itim pa rin ang screen at walang sound na lumalabas. Ayun sa scroll bar, ang video runtime ay may 14 minutes at 30 seconds runtime.
Ilang segundo pa ang dumaan at unti-unting lumiwanag ang ilang parte ng screen hanggang sa naaninag ko ang isang maliit na stage kung saan makikitang nakatayo ang silhouette ng isang tao. Tok. Isang malakas na click ang narinig at ilang spotlight ang nagsabog ng liwanag sa stage. Isang lalakeng naka-amerikana, may bigote't balbas ang nakaharap sa camera at nakangiti. May kung anong kakaiba sa itsura ng lalakeng ito pero hindi ko ito magawang i-pinpoint. Habang iniisip ko ay parang palayo nang palayo lalo ang sagot. Saglit kong maiisip na computer-generated ang buong eksena pero pagakaraan ng ilang saglit ay magtataka ako kung bakit ko naisip 'yun dahil wala namang aspeto ng video ang mukhang pineke.
Ilang sabay-sabay na palakpak ang sumunod kong narinig ngunit hindi ko nakita ang audience mula sa angulong pinakita. Naalala ko sa vibe ng palabas na ito ang isang magic show na malapit nang mag-umpisa.
Tumingin ang lalake nang diretso sa camera. Ang ibig kong sabihin ay tumingin ang lalake lalo sa camera, kahit nakatingin na siya nang diretso sa camera ay tumingin siya lalo nang mas diretso sa camera. (Pero paano magiging posible iyon? Kung nakatingin ka na nang diretso sa isang bagay ay wala nang mas didiretso pa doon, pero iyon talaga ang aking nakita.) Naulit ito muli. Sa pangatlong beses ay tumingin siya lalo nang mas diretso sa camera at ngumiti. Lumaki lalo ang ngiti niya hanggang sa naisip kong lalagpas na ang dulo ng kaliwa't-kanang dulo ng kanyang mga labi palabas ng kanyang mukha o kaya ay hahaba ang kanyang labi mula gilid ng kanyang pisngi hanggang sa ilalim ng kanyang mga tenga hanggang sa magkita at magkadikit ang dalawang dulo ng labi sa likod ng kanyang ulo. Sigurado akong makikita ko ito kahit na nakaharap ang lalake sa akin. Ngunit sa isang siglap, napansin kong normal lang ang haba ng kanyang ngiti at nasa harap lang ito ng kanyang mukha katulad ng kahit na anong ngiti.
Pagkapindot ko sa file ay bumukas ang media player ng laptop. Teka. So far, walang kakaiba dito. Black screen. Nakita ko na ito kanina. Sinilip ko ang bar sa baba at nakitang kasalukuyan nang bumibilang nang pataas ang runtime. 4... 5... 6... seconds. Nasaan ang lalakeng nakatayo sa stage kahit na itim pa rin ang screen at walang sound na lumalabas. Ayun sa scroll bar, ang video runtime ay may 14 minutes at 30 seconds runtime.
Ilang segundo pa at may pinakita nang video ang player. Nakafocus ang video sa likuran ng ulo ng isang lalake. Bahagyang gumalaw ang camera pakanan at nakita kong nanonood ang lalakeng ito ng isang palabas sa isang laptop. Hindi gumagalaw ang lalakeng ito at mukhang ang lahat ng kanyang atensyon ay nakatuon sa kanyang pinapanood. Naririnig rin ngunit hindi ko maintindihan ang mga salitang nanggagaling sa video na pinapanood ng lalake sa laptop. Sa video, na kanyang pinapanood, mayroong isang lalakeng nakatayo sa isang entablado at kinakausap ang audience. Isang saglit ay tatawa ang lalake. May ilang palakpak at tawa rin na maririnig mula sa audience na nanonood ng kanyang performance.
A case of theft: this story is not rightfully on Amazon; if you spot it, report the violation.
Pagkaraan ng ilang saglit ay iiyak naman ang lalake at magsasalita nang mabilis. Hindi ko rin maintindihan ang sinasabi niya ngunit parang humihingi siya nang tawad sa mga taong nakikinig. Kung isa lamang itong palabas o talagang humihingi ng tawad ang lalake sa mga taong nanonood sa kanya ay hindi ko masabi dahil wala akong konteksto sa pinapanood na ito ng lalake.
Paminsan-minsan ay may maririnig akong ilang salita na maiintindihan ko. Mga simpleng salita lang tulad ng "pamamaraan" o "humihingi ng tulong" o "kompetisyon."
Okay. "Ayan na," sabi ng lalakeng nakatalikod na nanonood ng video sa laptop sa video. Naiintindihan ko na ang ibang mga salita. "Gaano pa ba katagal bago ko makuha ang mensahe nito?" tinanong niya sabay tingin sa natitirang oras ng video na kanyang pinapanood.
"Para maintindihan mo ang mga susunod na pangyayari at magawa mong tanggapin ang mga biyayang aming ipagkakaloob," sabi ng lalake na nakatayo sa stage, "kailangan munang wasakin ang isip mo."
"Teka, wala sa usapan natin 'yan. Hindi ako papayag," sagot ng lalakeng nanonood ng laptop.
Tumawa ang lalakeng nakatayo sa entablado. "Hindi naman ikaw ang kinakausap ko. Matagal nang sira ang isip mo, Ginoo. Siya. Siya ang kinakausap mo."
"Ha?" sagot ng lalakeng nanonood ng laptop. Nagkamot siya ng ulo. "Hindi kita maintindihan."
"Ha?" sagot ng lalakeng nanonood ng laptop. Nagkamot siya ng ulo. "Hindi kita maintindihan."
"Ha?" sagot ng lalakeng nanonood ng laptop. Nagkamot siya ng ulo. "Hindi kita maintindihan."
"Ha?" sagot ng lalakeng nanonood ng laptop. Nagkamot siya ng ulo. "Hindi kita maintindihan."
Sa bawat pag-ulit ng mga ito ay palakas ng palakas ang pagkamot sa sariling ulo ng lalake hanggang sa makita kong sumasama na ang ilang hibla ng kanyang buhok sa kanyang kamay.
"Ha?" sagot ng lalakeng nanonood ng laptop. Nagkamot siya ng ulo. "Hindi kita maintindihan."
"Ha?" sagot ng lalakeng nanonood ng laptop. Nagkamot siya ng ulo. "Hindi kita maintindihan."
"Ha?" sagot ng lalakeng nanonood ng laptop. Nagkamot siya ng ulo. "Hindi kita maintindihan."
Di nagtagal ay pula na ang likod ng kanyang ulo dahil sa dumudugong laman.
Hindi ko na makayanang ituloy ang panonood ng video at nagdesisyon akong itigil na ito.
"Sandali na lang," sabi ng lalake sa entablado. Magtiwala ka.
Teka. Ako ba ang tinutukoy niya. Tumingin nang diretso ang lalakeng ito sa akin, ngunit sa puntong ito, hindi na siya ang lalake na kaninang nakatayo sa entablado. Siya ngayon ay si Ben, ang aking dating kaibigan na ngayon ay dalawang buwang patay na. Pero ang itsura niya ngayon ay katulad lang ng itsura niya noong kami ay nasa kolehiyo pa.
Ngumiti siya sa akin. Mula sa kanang bulsa ng kanyang pantalon ay naglabas siya ng isang pendant. Nang tiningnan ko ito nang mabuti ay nakita kong isa pala itong orasang bilog. Pinindot ni Ben ang isang buton at tumigil ang buong video maliban sa pigura ni Ben. Ang lalakeng nanonood sa laptop ay tumigil na sa paggalaw at pagkamot sa sariling ulo at dahil dito ay nakahinga ako nang mas maluwag.
"Okay. Eto na. Pasensya na, Josh. Wala akong ibang maalalang maaaring makatulong sa akin dito. Alam kong nagtataka ka kung ano ang nangyayari ngayon. Wala akong control sa ibang parte ng video pero kung tama ang calculations ko, mayroon pa siguro tayong ilang minuto para mag-usap at sagutin ko ang mga tanong mo."