Iniwanan ko si Joshua sa gate ng hospital. Pasado 5 am pa lang kaya't walang malapit sa gate. Sana nga ay walang CCTV sa lugar upang hindi makuhanan ng video ang sasakyan. Ako naman'y nagtakip sa aking mukha ng panyo. Basa na rin sa dugo galing sa pantalon ni Joshua pero sa puntong ito'y wala na rin akong pakialam. Kung tatanungin siya ng mga awtoridad, napag-usapan namin na sasabihin na lamang niyang isang carnap ang nangyari. Sinaksak siya ng dalawang salarin habang nagaganap ang kanilang pagtatalo ngunit ang mga ito na rin mismo ang nagdala sa kanya sa ospital.
Iyon na ang pinakaligtas na planong naisip namin. Kung hihingan siya ng dagdag na detalye, kagaya ng kung bakit siya nasa Batangas gayung wala naman siyang bahay rito, magkukunwari na lang siyang hindi pa siya nasa tamang pag-iisip para sumagot ng mga tanong. Maaaring magdulot ito ng duda sa kung sino man ang mag-iimbestiga sa kaso niya pero hindi pwedeng banggitin ang tungkol sa beachhouse ni Simon sa puntong ito. At least hindi ngayon bago ko pa maalis ang lahat ng ebidensya na may nangyaring kaguluhan sa bahay. Pagkaraan ng at least 3 days, maaari na niyang sabihin ang tungkol sa pagbisita niya sa beachhouse.
Sapat na siguro itong panahon para magawa kong linisin ang buong bahay at tanggalin lahat ng bakas ng dugo dito kung sakali mang may magpuntang detectives dito upang mag-imbestiga. Wala naman sigurong dahilan para gumamit ng UV light sa loob ng bahay pero titingin na rin ako sa Internet ng paraan para mabawasan ang paglabas ng dugo sa UV light. Gumawa ako ng mental note na gumamit ng VPN sa pag-search tungkol sa bagay na ito. Okay.
Para sa katawan ng lalake, dalawa ang posibilidad. Humanap ako ng paraan para ilibing siya o ibaon ang kanyang bangkay sa dagat. Sa puntong ito, mas ligtas siguro ang pagtapon sa kanya sa dagat. Teka, teka, kailangan ko ba siyang hatiin sa maraming piraso para hindi siya ma-identify? Bago iyon, kailangan ko munang alamin ang lahat ng pwede kong malaman tungkol sa kanya.
Alam ko na ang pangalan niya dahil sa wallet na nasa kanyang pantalon. Ayon sa kanyang TIN Card, siya ay si Luis Torres. 54 taong gulang. Isa siyang arkitekto sa isang firm dito sa Batangas. Walang kahit na anong detalye sa wallet na magsasabi sa akin kung bakit siya nagpunta sa beachhouse at bakit niya kami inatake. Umaasa ako na may maitutulong ang video na pinanood ni Joshua upang maliwanagan ako kung bakit nangyayari ang mga ito.
Isa akong clone. Clone. Hindi na bago sa akin ang ideya dahil isa na rin naman itong lumang konsepto na sa science fiction.
Ayon sa kaunting nakuha ko kay Joshua, nanood siya ng video, mayroon itong instructions at malamang isa na rito ay ang nagturo kay Joshua kung paano gumawa ng clone. Pagkatapos, ginawa niya ako sa pamamagitan ng isang prosesong hindi ko pa maalala. Ang memorya ko na memorya rin ni Joshua ay unti-unti nang bumabalik pero walang detalye magmula sa puntong nanood na siya ng video at bago ako magising sa sahig.
Sa longterm memory ay halos kumpleto naman ang aking alaala. Mula sa aking pagkabata: mga panahong bago ako pumasok sa elementarya, paglaki sa Pilipinas kasama ang aking mga magulang, pagpasok sa eskwela, pagkapanganak ng kapatid kong i Denis noong ako'y sampung taong gulang, high school, kolehiyo, ang tatlong taon ng dilim. Kumpleto naman, sa aking pakiramdam. Kung ano ang mga ala-alang mayroon ako kahapon ay 'yun rin ang mga bagay na naaalala ko ngayon.
Ngunit alam ko rin na malamang ang kaya ko lang alalahanin ay ang mga bagay na kasalukuyang may memorya ako. Hindi ko masasabi kung alin sa mga bagay na iyon ang totoo kaya't kailangang-kailangan ko na bumuti ang kalagayan ni Joshua—Joshua Prime?— ng unang Joshua upang at least masigurado ko ang totoo.
Pero paano ko masasabi kung totoo ang mga sasabihin niya sa akin? Isa ba akong indibidwal sa kanyang paningin o isa lamang clone? O instrumento. O simpleng manipestasyon lang ng kanyang kapangyarihan. Shit. Alam ko ba kung gaano ako katagal mananatiling buhay? Posible kayang bigla na lang akong maglaho dito. Kung mapasobrahan ang layo ko mula kay Joshua Prime, mawawala ba ako? O kung mamatay siya, gaano katagal ang itatagal ng aking buhay? Ang daming katanungan. Ang daming posibilidad.
Ako rin ba talaga si Joshua? Fuck. Para akong isang tanga rito. Nagtatanong sa sarili ko ng kung anu-anong mga tanong sa pilosopiya habang ang dami ko pang dapat gawin. Bakit ko gagawin? Para kay Joshua? Sa taong iyon na nasa ospital at maaaring mamatay anumang sandali ngayon? Mararamdaman ko ba kung mamatay siya?
Pero kung hindi ako si Joshua. Kung wala namang bagay na nag-uugnay sa aming dalawa. Bakit ko pa kailangang bumalik sa beachhouse para linisin ang kalat niya? Ang dapat ko na lang gawin ay, ay, ewan. Posible kayang tumakas na lang ako at iwanan ang problemang ito. Kung hindi ako siya at isa lamang kopya, ibig sabihin ay wala akong responsibilidad sa aming magulang. Hindi ko na kailangang pagtuunan ng pansin ang pagpapa-ospital kay Denis dahil hindi ko naman talaga siya kapatid.
At doon ko naalala si Maggie. Kung hindi talaga ako si Joshua, hindi siya ang kasintahan ko. Wala kaming relasyon sa isa't-isa. Ang totoo niyang kasintahan ay si Joshua Prime. At ako? Isa akong estranghero sa buhay niya.
Nagpatuloy ako sa aking pagmamaneho. Dinala ko ang cellphone ni Joshua at gamit ko pa rin ang Waze nito. Siguro'y okay lang naman na nasa akin ito. Walang kahit na anong tracing ang magaganap ngayong araw, liban na lang kung maging matino ang pag-iimbestiga ng polisya dito sa kaso namin. Maliit na posibilidad at pwede na sigurong ipagpasa walang bahala muna, kahit ngayong unang araw lamang.
Enjoying the story? Show your support by reading it on the official site.
Siguro sampung minuto pa mula sa beachhouse nang biglang umambon. Pinindot ko ang buton para sa wiper ng kotse. Kasabay ng ulan ay nakaramadam ako ng gutom. Naisip kong kanina pa siguro ako gutom at ngayong hindi na okupado ang aking pag-iisip ng emergency ko lamang ito napagtuunan ng pansin. Naalala ko na meron rin akong nadaanang fast food kanina sa pagmaneho ko papuntang ospital. Wala pang isang minuto ay napatunayan kong tama nga ang aking naalala. Mayroon nga akong nadaanang J-Wings kanina na bukas nang 24 hours.
Nagmaneobra ako patungo dito at pinadaanan ang kotse sa drive-thru. Maswerte na lang at mayroong ganito, naisip ko, dahil walang posibilidad na makapasok ako sa fastfood na puno ng dugo.
Nang nasa harap na mismo ng drive thru ay, binaba ko nang kaunti ang tinted na bintana at sinabi sa attendant ang aking order. Hindi ko dala ang aking wallet—naisip kong dapat pala'y kinuha ko rin ang wallet ni Joshua. Siguradong hindi naman niya magagamit ito at kung sakaling pumanaw siya, magtatagal pa ang mga awtoridad sa pagtukoy sa kanyang pagkatao, dahilan para magkaroon ako ng extrang mga araw sa beachhouse. Pero too late para doon. At least mayroon akong pera, pera ni Ginoong Luis Torres.
Ineksamen ko ang aking kamay at siniguradong tuyo na ang dugo rito bago ko hawakan ang pinaka-gilid ng bill na pinambayad ko. Kinuha ko ang sukli at ang burger meal na aking inorder at pagkaraan ay nagmaneho na ako muli paalis ng lugar.
Sa kalsada ay binuksan ko na ang wrapper ng burger at kumagat rito. Hmmmm. Kung ako'y isa nga lamang clone ay ibig sabihin na ito ang unang beses na kakain ako. Pero wala akong naramdamang kakaiba sa sandaling ito. Hindi lumaki ang aking mga mata at hindi nag-piyesta ang mga tastebuds sa aking dila sa lasa ng burger. Hmmm.
Gayunpaman, hindi rin ito ordinaryong meal para sa akin. Napansin kong muli na gutom na gutom pala ako. Nang binuo ako bilang clone ay nabuo ako na walang kahit anong saplot sa katawan. Ibig sabihin ay hindi na-doble ang mga suot ni Joshua Prime. Ngunit kung ganun na ang mismong katawan lamang ang posibleng ma-doble, ibig ba nitong sabihin ay wala akong kahit na anong pagkain sa aking tiyan at intestines sa oras nang aking pagkakabuo? O tubig? Naisip kong imposibleng mangyari ang bagay na iyon dahil ang isang tao ay hindi maaaring mabuhay nang walang tubig sa katawan. Hindi lang iyon, paano na ang aking mga intestinal bacteria? Hindi ba nadoble rin ang mga ito dahil sa proseso? Kung hindi, kakailanganin kong maibalik ang mga ito sa aking katawan sa lalong madaling panahon. Pagkatapos ng preliminary check ko sa beachhouse ay kailangan kong maghanap ng convenience store at bumili ng ilang bote ng probiotics. Isa pa itong bagay na kailangan kong i-research, kung mabubuhay ang isang tao gamit ang isang limited variety ng probiotics. Uminom ako ng soda na kasama ng meal. Habang hawak ang baso, napansin ko ang isang lumang peklat sa aking kamay at gumawa ng mental note ukol dito. Kasama sa proseso ng pag-clone ay ang pag-clone rin sa mga peklat. Kapag nagkaroon ako ng panahon para ieksamin nang mas masinsinan ang aking katawan, palagay ko ay magiging tama ang aking hypothesis at makakakita rin ako ng iba pang peklat katulad ng isang bilog na marka sa aking balikat galing sa isang dating pagbakuna sa akin noong ako'y nasa elementarya.
May isa pang hypothesis akong nabuo dito. Kung ako ay nabuo dahil sa isang... mahiwagang proseso, maaaring ang pagkakabuo sa akin ay batay lang sa alaala ni Joshua tungkol sa sarili niya. Maaaring may mga peklat ako sa katawan na hindi ko alam na naroroon pala at ang mga 'yun ay hindi na nagawang kopyahin ng proseso. Gusto ko sanang i-check ito ngunit kung ang maaalala kong mga peklat lamang ay ang kung anuman ang alam rin ni Joshua, wala akong test na pwedeng gawin na hindi niya alam. Teka, tama ba? Gayunpaman, potentially, pwede akong makahanap ng peklat na parehong hindi alam namin ni Joshua pero pareho kaming mayroon nito. Ngunit posibleng subconsciously ay alam rin namin ito pareho at 'di lang matandaan.
Natawa ako sa aking mga pinag-iiisip. Heto ako patungo sa bahay kung saan mayroong bangkay na naghihintay para linisin ko. Isang taong maaaring may napagsabihan ng kanyang lokasyon, at ang pinoproblema ko pa rin ay peklat.
Bago ako nakabalik sa beachhouse ay natuon ulit ang aking mga iniisip kay Maggie. Ngayon lang ulit kami nagkabati pagkaraan ngtatlong taong pagkakahiwalay. Akala ko ay ito na ang aking pagkakataon para maayos ang aming relasyon. Nakakuha na siya ng trabaho bilang isa sa mga legal researchers ni Congressman Diaz. At ako? Nakapag-umpisa na rin akong bumangon muli. Alam kong totoong natuwa si Maggie para sa akin nang sabihin kong nakabalik ako sa dati kong posisyon bilang art director sa Pandora. Malaki ang posibilidad na maging kasintahan ko ulit siya. Matutupad ko na ang mga dati naming pangarap bago ako naging isang walang kwentang boyfriend.
Matutupad ko pa rin naman. Matutupad ni Joshua Prime. At ako? Ano na ba ang gagawin ko? Kung hindi ako biglang mawawala na lang na parang bula. Kung totoong buhay ako o isang perpektong kopya ni Joshua, ibig sabihin ay mapipilitan akong magmukmok na lang at panoorin sila. O baka hindi rin? Baka kailangan naming humanap ng isang lugar kung saan ako pwedeng itago.
Masyadong delikado kung malalaman ng gobyerno ang tungkol sa akin. Hindi ito isang bagay na pwedeng ipaliwanag lang bilang, isa pala akong matagal nang 'di nakikitang kambal ni Joshua. Maraming magtataka. May magtatanong sa gobyerno. At ang gobyerno'y titingin sa kanilang records at malalaman nitong walang kakambal si Joshua. Isang kakambal na walang birth certificate, walang records sa public school system, hindi nagbabayad ng buwis. At pag-iinitan rin ang aming mga magulang. Mga magulang ni Joshua. Shet, hindi ko alam kung matatawag kong magulang ko sila. Lahat ng alaala ko ay tungkol sa kanila pero kung iisipin, si Joshua lang ang anak nila. At ako? Hindi ba't mas tama kung iisipin kong si Joshua talaga ang aking mas tunay na magulang, bilang isa akong clone.
Naubos ko ang burger at itinapon ang wrapper nito sa upuan sa tabi. Makaraan ang isang minuto ay nakarating na akong muli sa bukas na kahoy na gate patungo sa beachhouse. Pinarada ko ang kotse sa tabi ng bahay at bumaba.
Pagkarating ko sa veranda ay tiningnan ko muna ang laptop ni Ben. Nasa loob ng bahay ang katawan. Pwera na lang kung may kung anong kakaibang kapangyarihan rin si Mr. Torres, sigurado akong nakahiga pa rin siya at hubad maliban sa kanyang brief sa living room kung saan ko siya iniwanan. Ayaw ko munang lapitan ang bangkay. Kung aayusin ko ang problema sa pagtapon ng katawan niya, may oras pa naman siguro ako bago siya mangamoy.
Ang laptop. Nakakabit pa rin ang usb drive sa isa sa mga slot ng laptop. Huminga ako ng malalim. Panahon na para panoorin kong muli ang sinumpang video.