Tuluyan nang umalis ang barkong walang kaalam-alam na may dinadala na pala silang kambal na kung saan ang basket ay nasa lapag lamang. Tulog na tulog ang dalawang sanggol dahil sa mapayapa ang dagat at hindi maingay ang barko. Ilang oras na naglalakbay ang barko na patungong Dakar.
May disiplina ang mga tao sa barko. Halu-halo. May mayayaman, mayroong may kaya, at mayroon ring mga tao na hindi naman natin masasabing mahirap pero hindi rin naman mayaman.
Matapos ang limang oras ng paglalakbay, nakarating din ang barko sa Dakar. Naghanda na ang mga pasahero sa pagkuha ng kani-kanilang mga bagahe at pansariling gamit. Hindi pa man humihinto ang barko ay nagtatayuan na ang iba sa labis na kasabikan makababa sa lupa.
“Magsiupo po muna kayo mga kababayan at iwasan natin ang magtulakan.”
Umupo naman ang mga pasahero at nang matapos ang labinlimang minuto ay huminto na ang barko sa pier. Nagtayuan muli ang mga tao at pumila ng maayos. Nagbabaan na ang iba, ngunit mabagal naman ang iba sa pagkilos.
Nang makababa na ang lahat ng mga pasahero ay nag-umpisa nang tignan ng mga taong nangangalaga ng barko kung may mga naiwan pang pasahero. Wala na, subalit ang isa sa mga nangangalaga ng barko ay may nakitang basket. Kinuha niya ito, at pagkatapos ay dinala niya ang basket patungo sa kanilang Kapitan.
“Kapitan, may nag-iwan po ng basket dito!”
Kinuha ng Kapitan ang mabigat na basket, ngunit nagulat siya nang biglang gumalaw ang basket. Nang buksan niya ang basket, laking gulat niya nang bigla namang umiyak ang dalawang bata.
“Pambihira! K-Kaninong mga bata naman ito?”
Inutusan nito ang kanyang alalay na ipagbigay-alam at hanapin ang may-ari ng dalawang bata. Mabilis na tumakbo ang alalay ng Kapitan na dala-dala ang basket upang hanapin kaagad ang mga magulang ng kambal. Tinanong isa-isa, pero wala ni isa man ang nagsabi sa kanila na anak nila ang kambal. Bumalik ang alalay sa Kapitan.
“Ano!? Ba’t hindi mo pa binibigay ‘yan?”
“Eh Kapitan, tinanong ko na sa kanilang lahat ang tungkol dito pero wala po ang nagsabing kanila ‘to.”
“Eh anong gagawin natin diyan sa dalawang bata na ‘yan?”
Binuhat ng alalay ang isang bata. May nahulog na papel mula sa bata at tiningnan nito ang nakasulat, ngunit ang nakasulat lang ay: “Maximillian Foster, anak ni Alex Foster ng DDE…”
Tiningnan rin ng alalay ang isa pang papel na nakasulat din sa isa pang bata. “Denver Foster, anak ni Alex Foster ng DDE…”
Nang magkaganoon ay wala nang nagawa pa ang alalay kundi inuwi na lang niya ang kambal. Pero nag-antay pa muna siya ng ilang sandali kung may tatawag sa kanila na mga pasaherong nagmamay-ari sa kambal.
Wala. Wala na talagang nagparamdam pa sa kambal, walang nagmamay-ari. Inampon ng alalay ang kambal at nanatili sa kanyang bahay. Walang asawa ang alalay ngunit maligaya naman siya dahil may kasama na siya sa kanyang tahanan.
“Totoo kayang anak sila ng isang Dragon Divinity Explorer? Pero bakit nagawang iwan nila ang kambal? Kaawa-awa naman!”
Binuhay niya ang kambal at inalagaan. Makalipas ang pitong taon, lumaking masayahin ang dalawang bata, ngunit lumaki rin sa hirap. Mahirap lamang ang alalay.
Masipag naman ang dalawang bata. Tumutulong sila sa kanilang tatay-tatayan sa paghahanap ng mga makakain. Tuwang-tuwa naman ang alalay ng Kapitan. Kahit nasa barko ang alalay, nagagawa pa rin ng dalawang bata na bantayan ang kanilang bahay. Pagkatapos ay nagpasya na lamang ang alalay na tawagin sila sa pangalang “Kenji” at “Genji”, imbis na tawagin sila sa tunay nilang pangalan.
Pitong taong gulang na ang dalawang bata, pero hindi pa rin nila alam ang buong katotohanan. Hindi sila taga-Dakar, kundi anak sila ng isang Dragon Divinity Explorer at ng isang engkantada. Gabi na nang umuwi ang ama, at masaya ang kambal dahil may inuwi itong pera at mga pagkain.
“Mga anak, may inuwi akong pasalubong para sa inyo,” wika ng alalay.
“Ano po iyan itay?” tanong ni Genji.
“Pagkain.”
“Ano pong pagkain?”
“Mga lamang dagat, hilaw pa ‘to pero lulutuin na natin.”
“Anong lamang dagat?”
Makulit na bata si Genji, kaya madalas silang mag-away ni Kenji. Tahimik naman si Kenji, at hindi madaling magalit.
“Mga umm… isda, hipon… gano’n…”
“Me dugo ba ‘yan?”
“Oo naman Genji! Bakit naman?”
“Ayoko ng dugo!”
Umiling si Kenji. Gusto sana niyang sumabat pero mukhang kabastusan naman kung gagawin niya iyon.
“Eh bakit naman? Hindi naman ako umiinom ng dugo e!”
“Kahit ako tatay!” simangot na wika ni Genji. “Hindi po ako ‘mamaw’.”
Tumawa si Kenji. “Kuya, siyempre naman, hindi tayo ‘mamaw’. Hindi natin iinumin ang dugong ‘yan. Hindi masarap ‘yan. Pero kapag niluto na natin ‘yan, wala nang dugo ‘yan.”
“Eh pa’no?” nalilito na tanong ni Genji.
“LULUTUIN NGA NATIN, BA’T BA ANG KULIT MO!”
“Matutuyo ba ‘yan? Sige nga, kung matutuyo ‘yan kuya Kenji, paano? Eh liquid ‘yan e!”
“Ganu’n ‘yon, hindi ko lang alam!”
“Weehhh… ‘Mamaw’ ka ‘ata eh!”
“HINDI NGA! Tao ako.”
Inawat na ng ama ang kambal bago pa tuluyang mag-away. Lubusang napamahal na sa matanda ang dalawang bata sa napakatagal nang panahon. Pagkatapos ay nagluto na sila ng pagkain, at habang kumakain:
“O, me nakita ka bang dugo diyan sa kinakain mo?” sabi ni Kenji.
“Heh, sinipsip mo eh!” sagot ni Genji.
“Hindi ko sinipsip!” pasigaw na sagot ni Kenji.
“Mamaw ka!”
“HINDI!”
If you spot this story on Amazon, know that it has been stolen. Report the violation.
“Ano ba mga bata, nasa harap tayo ng pagkain, respeto lamang sa harap ng pagkain…”
“Kasi po si kuya Kenji… MAMAW!”
“Hindi ‘mamaw’ ang kuya mo, Genji. Tao siya.”
“E, ba’t niya sinipsip ‘yung dugo?”
“SABING HINDI NGA AKO SUMISIPSIP NG DUGO!”
“Genji, huwag makulit, ok? Mamaya, pagkatapos kumain ay may sasabihin ako sa inyong dalawa.”
Tumahimik naman ang dalawang bata. Pagkatapos ay nagpatuloy na uli sila sa pagsasalo sa kanilang pagkain. Nang matapos na silang kumain:
“Mga anak, alam n’yo bang may sapat na akong pera na pampaaral sa inyo?”
Namilog ang mga mata ng dalawang bata. “Paanong pagpapaaral?”
“Ibig sabihin nu’n, dahil sa malaki na ang pera ko, pag-aaralin ko na kayo!”
“Ano po ba ang pag-aaral?” tanong ni Kenji.
“Iyon ang tumutulong sa isang tao upang makamit niya ang magandang kinabukasan!”
Nag-umpisang mag-aral ang dalawang bata sa isang mataas na pribadong paaralan. May mga kaya ang mga mag-aaral doon. Medyo kabado pa ang kambal dahil unang beses pa lang nila ang mag-aral. Kumpleto sa mga kagamitan sa pag-aaral ang kambal kaya wala na silang aalalahanin pa. Umaga ang pasok nila sa pribadong paaralan, subalit hindi lang ito ang paaralan ng mga mag-aaral na basta-basta na lamang mag-aaral ng mga pambatang aralin tulad na lang ng mga tamang kaugalian at pagbibilang… Hindi lang ganoon.
Ito rin ay isang fighting and defense school ng mga kabataan na gusto ring matutong lumaban at magtanggol sa sarili. Hindi pangkaraniwang tao sina Kenji at Genji dahil isang engkantada ang kanilang ina at tao naman ang tunay na ama, ngunit isang mabilis na mandirigma. Kaya ganoon na lang ang pagtataka ng kambal sa alalay kung bakit mabagal siyang kumilos at mababa pang tumalon. Kaya panay ang tanong nila sa kanilang sarili kung saan naman nila namana at nakuha ang kanilang bilis.
Dito rin sa paaralang ito ay tinuturuan nila ang mga bata na humawak ng mga defensive weapons kahit nasa murang edad pa lamang sila. Sinasanay rin silang maging matapang, subalit hindi pa rin nawawala ang kagandahang asal na itinuturo sa kanila. Hindi magkasama ang kambal sa iisang silid aralan.
“Ok class, pagkatapos ng tatlumpung minuto ng inyong defensive training ay saka ko na kayo bibigyan ng pahinga!” sabi ni Ginoong Yam, guro ni Kenji.
Nakakasunod naman si Kenji sa mga basic training sa defense. Walang problema sa kanya. Marami pa nga ang humahanga sa kanya kaya marami na rin ang napapalapit sa kanya.
May isang bata ang sobrang nahuli sa pagpasok, at nagmadali itong tumakbo patungo sa kanyang silid-aralan. Habang kasalukuyan nang tinuturo ng guro ang kagandahang asal ay saka siya pumasok.
“Magandang umaga po sa inyong lahat… Makikiraan lang po, ipagpaumanhin ninyo kung ako man ay nahuli sa pagpasok…”
Lumingon ang mga bata. Huminto si Ginoong Yam sa pagsasalita.
“Ipagpaumanhin po ninyo ako sa paghuli ko sa klase, Sir Yam…”
“Huwag kang mag-alala, sige maupo ka na.”
“Eh… M-Maraming salamat po!”
Umupo na ang bata na may lahing hapon at nginitian naman siya ni Kenji.
Pagkatapos ng moral studies ng mga bata ay binigyan na sila ni Ginoong Yam ng 30-minute break. Napansin ni Kenji ang nahuli niyang kaklase na papalapit sa kanya.
Samantala…
Hindi inaasahang sinugod ng dalawang grupo ang bahay ng inosenteng alalay. Ito ang grupo ng Pioneer at Reminescence na magkasama kahit pareho ring magkalaban. May dala silang mga baril at matutulis na sandata katulad ng mga espada, at iba pa. Nagtaas ng dalawang kamay ang alalay bilang pagsuko.
“Nandito kami upang kunin ang dalawang anak ni Alex,” wika ng lider ng Pioneer.
“A-Ano pong kambal ang inyong ibig sabihin… Ang dalawang bata po?”
“Aminin mo sa amin na kasama mo ang kambal ni Isidra!”
“Bakit po ba? Anong kailangan po ninyo sa mga bata? At paano ninyo nalamang may kasama akong kambal na anak ng DDE?”
“Nakita mo na!” wika ng lider. “Sinabi sa amin ng mga sira-ulo mong kapitbahay at mga kasama. Hah, mga madaling maloko!”
“At ano pong kailangan ninyo sa mga bata? N-Nasa paaralan po sila.”
“Nasa paaralan?” nagtatakang tanong ng lider.
“Nag-aaral po sila malapit lang mula dito. Kung gusto po ninyo na malaman kung nagsasabi ako ng totoo ay puntahan po ninyo.”
“Hindi na!” galit ang lider. “Wala akong panahon na pumunta sa isang walang kuwentang paaralan. Maghihintay na lang kami rito at baka tumakas ka pa. Eh bakit itong anak ko, kahit hindi ‘to nag-aaral ay may disiplina naman? Kahit walang guro, ako na ang nagtuturo sa kanya!”
Pinagmasdan ng alalay ang guwapong bata na anak ni Alexander na nasa tabi lang niya.
“Augustus, kailangan mo pa bang pumasok sa isang paaralan upang matuto? Hindi ba, kahit walang paaralan sa mundong ito, basta ako’y nandirito ay ako ang magtuturo sa iyo upang matuto? Akira?!”
“OPO!” sagot ng bata na kasingtanda lang ng kambal.
Hapon na nang umuwi ang kambal. Pagkatok nila sa pintuan ay bigla na lang silang tinutukan ng mga Reminescence.
“Ahh! Ano pong ibig sabihin nito ama?” tanong ni Genji.
“Mga anak pasensya na… Panahon na upang malaman ninyo ito mula sa akin. Sasabihin ko na ang buong katotohanan… H-Hindi ko kayo tunay na mga anak!”
Nagulat ang kambal. “Hindi! Hindi po totoo iyan, anak po ninyo kami.”
“Ayaw n’yo bang tanggapin ang buong katotohanan?” tanong ni Erasmus, isang Golden class at sentinel ng Reminescence. “Kayo ang anak ng isang DDE!”
Gulat na gulat ang kambal. “Anong DDE?”
“Hoy lalaki, akala ko ba ay may alam na ‘yang mga ‘yan? Eh hindi ba mas mabuti nang hindi na lang sila nag-aaral sa iba? Tipid pa sa pera, hahaha!!!” tawa ni Alexander at ipinakilala na rin niya sa kambal ang kanyang anak na si Akira. Lumingon ang kambal kay Akira na parehong may sama ng tingin sa isa’t-isa. Pagkatapos ay biniro pa muna ni Alexander ang kambal ng may pang-iinsulto.
Tawanan ang grupo ng Pioneer pati na rin ang batang si Akira, pero ang grupo ng Reminescence ay tahimik lang. Sinimulang ikuwento ni Alexander ang lahat-lahat pati na ang patungkol sa mga nawawalang elemento’t mahika ni Haring Jethro na siyang mga pakay ng Pioneer.
Ngayon ay alam na ng mga bata, wala na silang nagawa pa kundi tanggapin na lamang ang katotohanan. Kaya sa isang iglap ay napaiyak na lang ang kambal!
Si Kenji ang unang umiyak. Namangha at nagulat ang lahat nang makita nila ang mga luha ni Kenji na naging diyamante pagkabagsak nito sa sahig! Nang si Genji naman ang lumuha, naging ganoon rin ang kinalabasan! Mas magaganda pa ang mga ito kaysa sa mga ordinaryong diyamante lamang.
Sinabunutan ng Golden class sentinel ng Reminescence ang matandang alalay. “Tingnan mo ang mga luha ng dalawang batang iyan, tanda… Namana naman nila iyan sa engkantada nilang ina!”
“Anong engkantada?” humihikbing tanong ni Kenji.
“Hangal! Isang engkantada ang inyong ina.”
“Hin-Hindi ko maintindihan!!” tanong ni Genji na nakaluhod.
“Halikayo sa amin, sumama na kayo sa amin!”
“S-Saan?”
“T-Teka sandali,” tanong ng matanda. “Ano nang gagawin po ninyo sa mga bata?”
“Kukunin na namin ang dalawang ‘yan nang matauhan!”
“Ayokong mawalay sa aming ama!” sabi ni Genji.
Si Genji, kahit siya’y makulit na bata ay may malambot na puso sa itinuring na ama. Dahil sa ganitong pangyayari, nang makakita ng pagkakataon ay mabilis nang lumabas ng bahay ang kambal upang takasan ang dalawang grupo.
Isang linggo na ang lumipas at hindi na bumalik ang kambal. Hindi naman alam ng kambal kung saan na sila maghahanap ng kanilang matitirahan, at kung saan-saan na lang sila naghahanap ng mga makakain.
Sa matandang alalay…
Bumalik muli ang grupo ng Pioneer sa matandang alalay ngunit hindi na nila kasama ang Reminescence.
“NAKITA MO NA! AYAW NA SA ‘YO NG KAMBAL TANDA…” sabi ni Alexander ng pagalit.
“Hindi, tumakas lang sila upang sila’y makalayo sa mga masasamang tulad ninyo!”
“Lapastangan! Gumalang ka sa amin, isa kaming Pioneers.”
“Hindi ko binibigyang-respeto ang mga taong nanggugulo lamang sa mga taong katulad namin!”
Dahil sa sobrang inis ni Alexander ay mabilis niyang kinuha ang kanyang espada na nasa kanyang baywang. Gigil sa galit!
“WALANG HIYA KA TANDA!!!” at mabilis na sinaksak ang alalay. Ngunit hindi pa siya nasiyahan… Limang saksak pa ang natanggap ng matanda mula sa kamay ni Alexander upang ito ay mabilis na mamatay.
Pumikit na lang si Akira pati na rin ang iba pang miyembro ng Pioneer upang hindi na makita pa ang lupit ng pinuno. Pagkatapos ay dumilat si Akira at pinagmasdan ang mga dugong nakakalat na sa sahig.
“Mga tauhan, hanapin ninyo ang mga pasaway na batang iyon!” sigaw ni Alexander.
“Opo,” mabilis na sagot ng mga kasamahang Pioneers.
“Ayokong masira ang mga balak natin! Kailangan nating maging mataas laban sa iba pa nating mga kalaban! Agawin rin natin sa kanila ang mga minimithi natin!”
“Opo!”
“Hindi tayo mabibigo sa mga pangarap natin. Tapusin muna natin ang mga Explorers na ‘yan para wala nang sagabal pa sa mga plano natin, maliwanag?”
“Opo, masusunod!”
“Magaling, iwan na natin ang matandang ito na wala namang naging silbi sa atin!”
“Hanapin ang mga batang DDE!”
“Patayin!”
Nang matapos ang kanilang mga sigawan at tawanan ay umalis na sila. Iniwan na lang nila ang bangkay ng dugu-duguang matanda sa loob ng sarili nitong tahanan.