Explorers, ang isa sa mga napiling grupo ng mga magagaling na mandirigma sa buong kalawakan ay nandirito upang tulungang ibalik muli ang katahimikan at ang normal na takbo ng buhay sa mundong ibabaw. Ang mahusay at magagaling na grupong ito ay nahahati sa tatlong antas: Una ang Ultimate Explorer (UE), ang pinakamababang antas. Ikalawa ang Extreme Ultimate Explorer(EUE), at ang pangatlo at siyang pangarap ng mas nakararaming Explorers na siya ding pinakamataas na uri sa lahat... ang Dragon Divinity Explorer (DDE). Bukod sa Explorers, ang mga piling mandirigma ay tinatawag rin na mga “Wielders”.
Ayon sa matandang kuwento, ang mga Explorers ay hindi lang basta Explorers lamang. Sila ang pinaniniwalaan ng mga tao bilang mga alagad, tagapangalaga, tagapaglingkod, at piling mandirigma ng pinakahari’t panginoon ng buong mundo. Upang maging isang Explorer ang isang mandirigma, kailangan muna nitong malampasan ang lahat ng mga pagsubok at magkamit ng kahit isa sa mga nawawalang kapangyarihan na kung tawagin ay “Sacred Item” o ang sagradong bagay, at siya ay magiging isa nang Explorer na nabibilang sa pinakamababang antas (sa UE muna ito mag-uumpisa) at tatawaging “Wielder”.
Ang “Sacred Item” ay may dalawang uri ng bato: ang Divine Stone, na may kapangyarihan ng isang elemento at may lakas na tinataglay. Binubuo ng labing-apat na mga magkakaibang elemento ang mga bawat bato ng Divine Stones: Holy, Earth, Time, Poison, Lightning, Deity, Fire, Darkness, Light, Trinity, Air, Ice, Water, at Gravity. Isang Divine Stone sa bawat elemento. Samantalang angMagic Stone, na isa pang uri ng Sacred Item ang siyang may kapangyarihan ng mahika o “magics”. Binubuo naman ng mahigit sa isandaan ang bilang ng mga ito, ngunit mas mahihina naman ang tinataglay na kapangyarihan nito kaysa sa mga Divine Stones. Ngayon, ang dalawang uri ng sagradong bato ay dating pagmamay-ari at kapangyarihan ng kaisa-isang panginoon ng lahat ngunit pinakawalan niya ang mga ito, hanggang sa nagbagong-anyo bilang mga bato (Sacred Items). Bakit nga ba pinakawalan ng isang diyos ang kanyang mga kapangyarihan at paano sila nagbagong-anyo bilang mga “Sacred Items”? Narito at alamin natin ang kasaysayan patungkol sa pananakop ng mga diyos at diyosa sa kaisa-isang hari’t panginoon ng buong kalawakan na si Haring Jethro:
Noong unang panahon, nag-away-away ang dating mga diyos at diyosa, hayop, at halimaw dahil sa matinding inggit sa mga kakaibang kapangyarihan na itinataglay ng kanilang hari’t panginoon ng lahat na si Haring Jethro. Pagkatapos, nainggit din ang isang halimaw sa diyos dahil hawak rin nito ang buong kalawakan, bukod sa napakarami niyang kapangyarihan na binubuo ng mga labing-apat na elemento at mahigit isandaang mga mahika.
Bunsod ng matinding inggit, nag-isip ng masamang balak ang halimaw at ninais nito na agawin ang kapangyarihan at kalawakan upang mapasakanya ito, maging ang lahat ng mga kapangyarihan ng haring diyos. Dahil dito ay tinawag niya ang iba pang mga diyos at diyosa na naiinggit din sa hari at palihim silang nagtipun-tipon. Sinabi ng halimaw na sasakupin nila ang kaharian ng haring diyos at pilit na aagawin rin ang lahat ng kanyang pag-aari.
“Ano? Magagawa mo bang sakupin ang kaharian ni Haring Jethro at nakawin ang lahat ng ubod ng daming mga kapangyarihan niya?” tanong ng isang diyosa.
“Oo! At nais ko ring mapasaakin ang mundo,” sagot ng halimaw. “Nais ko ring maging pinakadiyos ng buong kalawakan!” at humalakhak ito ng malakas.
“Kung iyon lang ang iyong kadahilanan kaya ka humihingi ng tulong sa amin upang mapasaiyo lang ang lahat ay hindi ka namin matutulungan!” pasinghal na sagot ng diyosa. “Kung ganoon, hindi rin naman pala mapapasaamin eh!”
Sumama ang loob ng halimaw.
“Di ba iyon din ang pangarap namin? Gusto rin naming maging pinakadiyos ng lahat na tulad niya! Tapos, sosolohin mo lang?”
“‘Wag na, hindi ka nami matutulungan.”
Sumama pa lalo ang loob ng halimaw, ngunit nais talaga nitong makuha ang lahat kaya gumawa na lamang siya ng palusot.
“O, eh di ‘pag nasakop na natin ang kanyang kaharian at nakuha ang lahat ng kanyang kapangyarihan… eh di saka natin paghati-hatiang lahat!” pasinungaling na wika ng halimaw.
Dahil sa nais rin ng mga diyos at diyosa na maangkin ang lahat, pumayag agad sila na sumama sa halimaw. Ayon sa halimaw ay paghahati-hatian raw nila ang lahat: elemento, mahika, mundo, at kalawakan. Daglian, sila ay mabilis na lumusob papunta sa kaharian ni Haring Jethro na nuon ay masayang nagmamasid sa di kalayuan.
Masayang pinagmamasdan ni Haring Jethro mula sa kanyang balkonahe ang kanyang kaharian na nasa ligtas na kalagayan. Masayang nagsasalu-salo ang mga iba’t-ibang uri ng nilalang. Lingid sa kanilang kaalaman ang nakaambang panganib sa kanilang kasayahan. Ang mga bantay at mandirigma ng haring diyos ay tahimik na nagmamatyag sa kanyang mapayapang kaharian.
Gabi na ng marating ng grupo ng halimaw ang kaharian ni Haring Jethro. Matiyaga silang nag-abang ng tamang pagkakataon upang sumalakay. Ang pagtitipon sa kaharian ay patuloy na nagaganap, at sa gitna ng kanilang kasiyahan ay biglang lumusob ang mga kalaban. Sa isang iglap, sinakop ng grupo ng halimaw ang kaharian ni Haring Jethro. Dahil sa bilis ng pangyayari, walang nagawa ang mga mandirigma ng haring diyos dahil pinagtulung-tulungan na sila ng mga diyos at diyosa. Kahit mahihina lamang ang mga kapangyarihan ng mga diyos ay nagawa pa rin nilang sakupin ang mga ito. Marami ang namatay sa mga tagapagtanggol at mandirigma ng kaharian, at ang natira na lamang ay ang haring diyos pati na ang ilan niyang mga mandirigma.
“Mahal naming diyos,” wika ng halimaw. “Ngayong nasa kamay ka na namin, isuko mo sa amin ang lahat ng mga kapangyarihan mo at kung hindi... mamamatay ka!”
“Hindi maaari!” matigas na sagot ng hari. “Masama ka’t isa kang halimaw!”
“Halimaw?”
“Oo!”
“Bakit? Hindi ba maaaring mamuno ang isang halimaw na katulad ko sa mundong ito?”
“Hindi! Ang isang katulad mo ay walang puwang na mamuno, gagawa ka lamang ng kasamaan at ipapahamak mo ang sanlibutan.”
Lumingon ang halimaw sa mga diyos at diyosa na nuon ay nairita sa sagot ng hari. “Ngayon na ang panahon upang kayo ay magsalita. Magsalita kayo!” ang pasigaw na utos ng halimaw.
Nagsalita nga ang isang diyosa. “Paano naman kami mahal na hari? Mga diyos din kami. Hindi kami maligaya sa mga kapangyarihan namin... Masyadong mahihina at mga walang silbi sa mundo!”
“Hindi ba kayo nasisiyahan sa mga biyayang natatanggap ninyo?” tanong ng hari. ”Hindi ba, dapat tayo ang nagtutulungan at hindi ang halimaw na ‘yan?”
Sinampal ng diyosa ang kanilang hari.
“Tumigil ka, kailangan namin ang kapangyarihan mo! Kung hindi mo ibibigay, buhay mo at buhay ng mga nakaligtas mong mandirigma ang magiging kapalit, Jethro!”
“Tandaan mo,” sabi ng halimaw. “Nag-iisa ka na at wala nang iba pang matatawagan pa. Wala ka nang iba pang malalapitan kundi ang mga tanging tao na lamang na naniniwala sa ‘yo! Papatay kami ng isa sa mga nakaligtas mong mandirigma sa loob ng limang minuto mong pagtanggi. At kami na rin ang tatapos sa buhay mo, gwahahaha!!!”
Walang nagawa ang sugatang hari. Para na rin sa kaligtasan ng kanyang mga mandirigma ay isinuko na nga niya ang lahat ng kanyang mga kapangyarihan sa mga diyos at diyosa. Ngunit, palihim siyang nagtago ng isang malakas niyang kapangyarihan para sa sarili.
Nagdesisyon ang grupo ng halimaw na huwag nang saktan ang haring diyos pati na rin ang kanyang mga nakaligtas na mandirigma, kaya iniwan na lang nila itong sugatan kasama ang wasak na niyang kaharian. Umiyak si Haring Jethro dahil sa labis na lungkot at panghihinayang. Nawala na ang kanyang mga kapangyarihan pati na rin ang kanyang kaharian.
Ngunit ang grupo ng halimaw ay hindi pa rin nasiyahan sa mga kapangyarihang kinuha nila mula sa hari. Nag-aagawan sila. Ayaw ng isa ang kapangyarihan na para sa kanya, ayaw din ng isa ang elementong ibinigay sa kanya. Bakit ganoon? Kahit nasa kanila na nga ang lahat… ay hindi pa rin sila nakukuntento?
Nagalit ang halimaw sa mga sunud-sunod at walang katapusang sigawan at awayan, kaya nagalit ito sa ingay at nagsabi:
“Kung hindi kayo magsisitigil at pag-aawayan n’yo lang ang mga kapangyarihang napunta sa inyo,” galit na umpisa ng halimaw. “Ibalik n’yo na lang ang lahat ng mga iyan sa akin! Walang sino man ang maaaring pumigil sa kagustuhan ko, maliwanag?!”
“Hinde! Tinulungan ka naming makuha ito!”
Tumawa ang halimaw. “Mga bobo, napakadali n’yo talagang lokohin ano?!”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi ko na kailangan ang sino man sa inyo,” paturong sagot ng halimaw at mabilis nitong kinuha ang lahat ng mga kapangyarihang nakuha nila kay Haring Jethro. “Ngayong nasa akin na ang lahat ng mga kapangyarihan at ako na ang magiging pinakadiyos ninyo, iniuutos ko na lumuhod kayo sa harapan ko!”
“I-Isa kang manloloko!”
“Gwahaha, hindi n’yo ako mapipigilan, nasa akin na rin ang lahat ng mga elemento ko!”
Sinubukang lumaban ng mga diyos at diyosa. At dahil isa na ngang diyos ang halimaw at nasa kanya na ang kapangyarihan, natalo niya ang mga ito ng walang kahirap hirap. Namatay ang ibang diyos, samantala marami rin ang nasugatan ng malubha at pagkatapos ay ginamit ng halimaw ang elemento ng kadiliman (Darkness) sa mga kaluluwa. Napunta ang mga kaluluwa sa underworld sa ayaw man nila o sa gusto.
Sumuko ang iba. Tumawa ng malakas ang halimaw. Ngunit sa isang hindi inaasahang pangyayari ay dumilim ang ulap. Dumilim rin ang buong paligid. Mula sa makapal at itim na ulap ay lumabas si Haring Jethro na galit na galit.
“Kahit ang mga diyos at diyosa na buong pusong sumunod sa iyo ay pinagtaksilan mo rin!” galit na sa halimaw ang haring diyos.
“Hmpt, magagawa mo pa bang lumaban sa akin? Baka akala mo ay malakas ka pa rin tulad ng dati. Ngayon, kung ayaw mong sumuko, masasama ka rin sa kanila!”
“Ipaghihiganti ko sila, tanggapin mo ang galit ni Bathala!” pagalit na tugon ni Haring Jethro.
You could be reading stolen content. Head to Royal Road for the genuine story.
Ginamit na ng hari ang kaisa-isa niyang kapangyarihan na palihim niyang itinago… Ang elemento ng kabanalan (Holy). Dahil sa angking bilis at pagiging tunay na diyos, hindi agad napansin ng masamang halimaw ang kanyang pag-atake. Hindi nagtagal at nagapi ni King Jethro ang halimaw sampu ng kanyang mga kampon.
“Mula ngayon, lahat ng mga kinuha mo sa akin ay mawawala na sa iyong mga kamay! Ang mga ito’y tutungo sa mundo ng mga tao at doo’y magtatago at mananatili upang hindi mo na sila matagpuan kailanman!”
Umilaw ang dibdib ng halimaw na nakakasilaw at naglabasan nga ang lahat ng mga ibat-ibang uri ng kapangyarihang kinuha niya mula sa hari. Tumakas ang mga kapangyarihan mula sa katawan ng halimaw at umalis ang mga ito patungo sa iba’t-ibang direksyon. Naghiwa-hiwalay sa kawalan at nawala na parang bula ang mga bato upang magkubli tulad ng gustong mangyari ni Haring Jethro. Pagdating sa mundo ng mga tao ay nagbagong-anyo ang mga ito at sa isang iglap ay naging mga pangkaraniwang bato na lamang. Pagkatapos ay itinago ang mga sarili na nag-anyong bato, nakihalubilo sa iba’t-ibang uri ng bato upang hindi mapansin at manatiling lihim sa mga mata ninoman. Ang lahat ng mga kapangyarihan ni Haring Jethro na nagbagong-anyo na bilang mga bato ay tinatawag nang mga “Sacred Items”, mapa-elemento man o mapa-mahika.
Tama ang haring diyos, wala na ngang naiwang mga kapangyarihan sa halimaw ni kahit isa. Dahil doon ay biglang natakot ang halimaw. Ninais niyang tumakas mula sa matinding poot at galit ngunit pinigilan siya ng hari.
“Dahil sa mga MABUTING ginawa mo sa aming mga diyos ay magiging isa ka na sa mga halimaw na mananatili sa ilalim ng lupa habambuhay, kasama ang elemento ng apoy at kadiliman na ngayon rin ay nakabaon na sa ilalim ng lupa!”
Nagpumiglas ang halimaw na makatakas sa sumpa ngunit wala na siyang nagawa at bagkus ay nawala ito na parang bula. Hindi na ito matagpuan sa kung saan-saan. Bagamat nagtagumpay ang hari sa kanyang pakikipaglaban sa halimaw, ngunit nawala na rin ang lahat ng kanyang kapangyarihan. Wala ni isa mang naiwan sa kanya kundi ang kaisa-isa niyang elemento, ang elemento na Holy Crusade.
Pagkalipas ng ilang araw ay nakaramdam na ng panghihina si Haring Jethro, dahil na rin sa kanyang mga natamong malalalim na sugat. Naramdaman niya na unti-unti nang kumakalat sa buo niyang katawan ang bagsik ng lason mula sa espada ng halimaw. Lason na kumakain sa kanyang lakas at katinuan. Nag-isip ang hari kung kanino kaya niya ibibigay ang kanyang natatanging kapangyarihan, at kung sino na rin ang susunod na magmamana ng kanyang kaharian. Hanggang sa siya’y mas lalong humina at nagdesisyon nang gumawa ng hakbang habang hindi pa huli ang lahat. Kaya inilabas na niya ang kanyang elemento ng kabanalan at nagwika...
“Banal na elemento, mula pa nung una ay hindi pa ako nakapagsabi ng kahilingan sa iyo. Bago ako mamatay at lumisan sa mundo ay maaari sanang pagbigyan mo ang aking kahilingan. Humanap ka ng taong karapat-dapat na mamahala at mangalaga sa mga elementong kauri mo. Ang taong handang tumulong at pakaingatan ang mga elementong pinakawalan ko mula sa kamay ng halimaw. Kung mangyari na ang lahat, tumakas ka na rin at magtago upang walang sinumang masamang hangarin ang makakuha sa iyo at magamit sa kabuktutan.”
Nagliwanag ang palad ng hari. Narinig ng elemento ang kanyang utos at hiling.
“Maghanap ka na ng mga taong karapat-dapat at tumakas ka na!” utos ng hari habang ang tinig niya ay unti-unting nawawala.
Matapos ang tatlong araw, pumanaw na ang hari at naging hudyat upang sumunod ang banal na elemento sa kanyang hiling. Tumakas ang elemento at buong iningatan ang sarili. Pagkatapos ay nagbagong-anyo na rin ito tulad ng mga iba pang kapangyarihan ni Haring Jethro. Ibinaon ang sarili sa ilalim ng lupa, upang doon ay manatili na lamang ng habambuhay.
Lumipas ang mahabang taon at dumating ang modernong panahon. Doon ay nagkaroon na ng mga modernong diyos at modernong kaharian na kung tawagin ay Kingdom of the Gods. Iba’t-ibang mga diyos na ang makikita dito at si Zalan na ang namamahala sa kahariang ito. Ngunit isang araw ay nabigla sila sa hindi inaasahang panauhin. May dumating na isang hindi kilalang lalaki buhat sa kung saan, na may kasuotang puting-puti na natatabingan ang mukha ng makapal na hood.Nagwika ito at nagpakilala na siya raw ang kaluluwa ni Haring Jethro. Bilang pagpupugay sa nakaputing panauhin, lahat sila ay lumuhod.
“Pagbutihin mo ang pangangalaga sa aking kaharian Zalan, at ng aking mga nawawalang elemento… Ikaw na ang hari ng lahat…”
“Ngunit, paano ko malalaman na nanganganib na ang mga kapangyarihan mo? Wala ang mga ito sa akin?”
“Alam ko Haring Zalan,” sagot ng kaluluwa ni Haring Jethro. “Matagal na silang hindi nagagamit. Kailangan nang maibigay sila sa mga taong may busilak na loob at may kakayahang humawak sa kanilang kapangyarihan!”
“Ngunit paano?”
“Dahil sa matagal na silang nakatago at nakabaon sa kawalan, naging mga sagradong bato na lamang sila at may mahihinang kapangyarihan.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Halimbawa, kung ang isang elemento na may kapangyarihan ng Earth ay hindi nagagamit ng napakatagal na panahon dahil sa ito’y nakatago at nakabaon, ito ay magiging isang sagradong bato na lamang…”
“May silbi pa ba iyon? Mahal na hari?”
“Oo! Kailangan natin ng mga magigiting na mandirigma na hahanap sa mga nawawalang elemento at mahika sa mundo ng mga tao. Lahat ng mga elemento at mga mahika na nakatago sa kawalan!”
“Paano?”
“Kailangan lang nating lahat ang masidhing pagtutulungan. Maging kayong mga diyos ay magtutulungan rin para maghanap ng mga taong tutuklas sa kanila upang maibalik uli sila sa tunay nilang kaanyuhan bilang mga ganap na ‘Elements’ at ‘Magics’. At kung magkakagayon, lahat ay magagamit at mapapakinabangan na muli tulad ng panunubalik nila sa dati nilang lakas at kapangyarihan. Napakahalagang gawin ito dahil kung hindi sila babalik sa tunay na anyo sa napakatagal na panahon ay tuluyan nang mawawalan ng bisa ang kanilang kapangyarihan. At lubhang maaapektuhan ang buong kalawakan!”
“At sino naman po ang makakapagpabago sa kanila? Mukhang mahirap gawin ‘yon?”
“Wala nang iba pa ang maaaring gumawa nu’n kundi ang mga taong karapat-dapat lamang sa mga batong iyon… o maging ikaw Zalan, bilang bagong pinuno ng ating kaharian.”
“Hindi ko po maintindihan, mahal na hari… Ilang elemento po ba ang nawawala?”
“May labing-apat na elemento ang nag-transform bilang mga sagradong bato na kung tawagin ay Divine Stones. Pero hindi lang iyon ang nawawala, pati na rin ang mahigit dalawang-daang bilang ng mga mahika ko ay nawawala na rin!”
Nagulat ang lahat ng mga diyos sa sinabi ng kaluluwa. Mukhang sa tingin nila ay mahihirapan sila na gawin iyon. Ang iba’y nag-iisip. Paano nila malalaman kung saan ang mga eksaktong lugar ng mga sagradong bagay na ubod ng dami? Lalo pa’t nagbagong-anyo pa sila. Paano nga kaya?
“Wala po ba kayong kamalayan kung saan ang hinihinala ninyong lugar kung saan sila nagtatago, mahal na hari?”
“Ipagpaumanhin ninyo ngunit sadyang hindi ko alam…”
Matapos ang ilang sandali, naglaho ang nilalang at lumitaw ang maraming balahibo ng ibon sa kanyang kinatatayuan paibaba sa sahig. Magaganda ang mga balahibong lumabas mula sa kanya. May naiwang isa sa sahig at kinuha ito ng isang magandang diyosa at nag wika.
“Kaawa-awang diyos, naghirap muna bago tuluyang namatay…”
Nag-usap-usap ang mga diyos at diyosa, maging ang mga anghel at engkantada ay sumali rin sa pagpupulong.
“Kailangan natin ng pagtutulungan,” sabi ni Zalan. “Ngunit paano?”
“Sa palagay ba natin, may makikita pa ba tayong mga… mga taong hahanap sa mga iyon?”
“Oo.”
“Ngunit hindi po tayo maaaring magtungo sa mundo ng mga tao,” sabi ng isang engkantada. “Mga diyos po tayo at hindi rin tayo maaaring makipag-usap at magpakita sa mga tao.”
“Alam ko iyon. Ngunit may iba pang paraan upang may magawa tayo.”
Sumaba’t ang isang engkantada. “Alam ko na! May naisip po akong paraan, mahal na diyos. Bakit hindi po kami magpanggap na mga mortal na tao nang sa ganoon ay magawa naming makisalamuha sa kanila na kunwari’y mga ordinaryong tao lamang…”
Luminaw ang diwa ng mga diyos. Mukhang nabuhayan sila ng pag-asa.
“Tama ang engkantada ng bituin, magpapanggap kami bilang mga ordinaryong tao. Baka nakalilimutan n’yo na, kaming mga engkantada ay may kakayahang magpanggap bilang tao! Dalhin n’yo po kami sa ibaba mahal na hari… at kami rin po ang magdadala ng magandang balita sa inyo.”
“Tama ka,” wika ni Zalan. “Ngunit ano ang gagawin ninyo kung sakaling malaman ng mga tao na…”
“Huwag po kayong mag-alala mahal na panginoon,” sagot ng engkantada. “Matatalino ang mga engkantada at mangangako po kami na hinding-hindi kami mabibigo!”
Matagal nang nangyari ang ganoon at nagpakita na nga ang mga engkantada sa mga tao at nakihalubilo sa kanila bilang mga ordinaryong tao. Humingi sila ng tulong at dahil sa awa ng ibang mga tao ay sumama silang maghanap, ngunit sila’y nabigo.
Nagdaan muli ang pinakamodernong panahon ng mundo at doon na sumibol ang grupo ng mga “Explorers”. Hinati nila sa tatlo ang grupo upang madali itong makilala ayon sa dami ng mga miyembro at nakaayos din ayon sa kanilang antas. Sa umpisa, ang lahat ng mga Explorers ay nasa mababang antas, ngunit may mga pagkakataon na may natatagpuan silang mga Magic Stones at naging DDE ang iba.
Bagama’t may mga grupo tulad ng mga Explorers na tumutulong sa kapakanan ng mga diyos at diyosa ay may mga humahadlang din sa kanila. Katulad ng mga “Pioneers”, na siyang mortal na karibal ng mga Explorers. Nariyan din ang mga “Reminescence”, na isa ring grupo ng mga malalakas na paladins at kalaban rin ng Explorers at Pioneer.
Isang dating sikat na DDE leader ang umibig sa isang engkantada na nag-anyong ordinaryong tao lang (pero hindi nito alam na isang engkantada pala ang iniibig niya) at nagkaroon sila ng walong anak. Ang dalawa sa kanilang mga anak ay kambal samantalang ang pinakabunso ay tatlong magkakambal. Kinuha ng Reminescence ang tatlong nakatatandang anak ng engkantada dahilan iyon upang humingi ng tulong ang Explorers sa Pioneers. Bagamat isang kaaway ang Pioneers, ipinagwalang bahala iyon ng pinuno ng DDE at inisip niya ang kapakanan ng kanyang mga anak. Pumayag ang mga Pioneers sa gusto ng Explorers subalit sa kabila nito ay may maitim na balak ang grupo ng Pioneers sa pamilya ng pinuno ng DDE. Nagtagumpay ang pinagsanib na lakas upang pagtulungang talunin ang Reminescence. Natalo naman nila ang grupo at sila’y nawala, at nabawi rin ng Explorers ang tatlong anak ng engkantada. Subalit lingid sa kaalaman ng pinuno ng DDE na may mga Pioneers ang nagtungo sa kanyang pamilya upang sapilitang kunin ang apat nitong anak (kasama ang isa sa mga kinuha noon ng Reminescence). Ang natirang kambal na anak ni Isidra, na isang engkantada ay kalung-kalong niya sa loob ng kanilang bahay, pero pinasok sila ng mga Pioneers. Ang dalawang nakatatandang anak ng engkantada ay hindi na matagpuan.
“Isidra, nasa amin na ang apat mong mga anak. Kung hindi mo sasabihin kung nasaan ang iyong asawa ay marahil… Iyang natitira mong kambal ang susunod na mawawala sa iyo!”
“Utang na loob po… Mahirap lamang po kami…”
“Anong mahirap?” tanong ni Alexander, isang lider ng Pioneer. “Isang pinuno ng DDE ang asawa mo, tapos sasabihin mong mahirap lang kayo? Hindi ba, isang malaking mansyon ang bahay ninyo? Isa kang sinungaling! Ngayon, sagutin mo ang tanong ko, nasaan ang asawa mo?”
“Ano pong gagawin ninyo sa asawa ko?”
“Alam kasi naming nasa kanya na ang mga nawawalang elemento… Kukunin lang naman namin. Hindi ba siya ang lider ng Dragon Divinity Explorer?”
“O-Opo…” sagot ng engkantada. “Pero… hindi ko po alam dahil iniwan lamang niya kami rito sa isang kadahilanan. Umalis na po siya, pero hindi na po niya sinabi sa akin kung saan siya pumunta.”
Kinuha ng isang miyembro ng Pioneer ang kambal na anak ni Isidra.
“Naku po! Huwag po ninyong idamay ang mga anak ko. S-Sige po… Sasabihin ko po… Pero hindi ko po sigurado.”
“O sige,” sagot ni Alexander. “Nasaan?”
Nagsinungaling ang engkantada. “N-Nasa… Nasa kanilang… mansyon!”
Ngumiti ang lider ng Pioneer. “Ano ang kanyang gagawin sa mansyon?”
Ang tunay na katotohanan, wala pa sa mga kauna-unahang DDE ang talagang nakakakuha na ng mga Divine Stones. May nakuha man sila, pero mga Magic Stones lang ngunit naging ganap nang mga kapangyarihan. Hindi pa mahigpit ang DDE noon, basta ba magaling lang ang isang mandirigma ay maaari nang maging ganap na DDE.
Ibinalik ng isang Pioneer ang isa sa kambal na anak ni Isidra at nagpaalam na, ngunit bago umalis ay nag-iwan ito ng isang babala:
“Kung magtutungo kami doon at hindi namin natagpuan ang asawa mo… AT nalaman ko na nagsisinungaling ka… Papatayin namin ang kambal mo! Siguro naman Isidra, baka nalilimutan mo nang patay na ang iba mong mga anak!”
Hindi na sumagot si Isidra. Nagpatuloy ito. “At kung malalaman rin namin na wala pa palang nakukuha ni isang elemento ang mga DDE na ‘yan… Tandaan mo, ang kambal mong ‘yan ang susunod na mawawala sa iyo!”
“Huwag! Huwag ninyo silang idamay. Kahit ako na lang ang mamatay, huwag lamang ang natitira kong kambal.”
Umalis na ang mga Pioneers na may kasamang halakhak. Umiyak ang kaawa-awang engkantada ngunit siya’y nagpakatatag. Matalino siya at nag-isip siya ng paraan. Itatakas na lang niya ang kanyang kambal bago sila balikan uli ng mga Pioneers. Inilagay niya sa loob ng basket ang kambal na katulad na ginawa ng ina ni Moses, pero imbis na sa dagat ay nagtungo siya sa isang papaalis na barko. Doon ay inilagay niya ang basket at nagwika:
“Maximillian, Denver… Mag-iingat kayong dalawa. Tumakas na kayo at mamuhay mag-isa. Magkapatid kayo… Tandaan ninyo, mahal na mahal naming kayo ng ama ninyo. Masakit man na tayo ay maghihiwalay ngunit wala na kaming magagawa pa kundi gawin ito para sa inyong kaligtasan. Ito na lang ang paraan… Paalam.”
Lumuha ang engkantadang ina habang hinahalikan nito ang bawat noo ng kambal, at pagkatapos ay nagsimula nang umalis ang barko. Dahil sa bigat na nararamdaman ay lalong umiyak ang engkantada nang nakalayo na ang barko sa kanyang paningin, at siya’y umalis.