Novels2Search
Kumot Kilabot [Filipino]
Ang Prinsipe ng Teccao

Ang Prinsipe ng Teccao

“Magdiwang tayong lahat! Sapagkat ako ang prinsipe ninyo, at muli nanamang nagtagumpay ang ating mahal na Teccao! Mabuhay!”

[https://i.imgur.com/L3IA4P8.jpg]

Ngayon ang araw na magbubukas ang Koliseo, ang gusaling ipinatayo ng Haring Grandor, kung saan mapapanood ng publiko ang iilang bilanggong pinwersa sa labanan at patayan. Ngayon din nila inaasahang babalik ang armadang pinadala ni Grandor sa Midnia. Nagkaroon ng pagtitipon ang Prinsipe ng Teccao sa kanyang akademiya.

Nanginig ang mga pader ng akademiya sa mga sigawan ng Prinsipeng si Rudy at ang kaniyang mga kaibigan (na mas angkop pa kung tawaging mga alipin). Hindi na lumipas ang iisang araw na matahimik nang iilang saglit ang silid-aralan sa itaas ng gusali, kung saan nakaupo ang mga matatalino, mayayaman, nakakataas sa iba. Ngunit tila wala nang pumapasok na karunungan sa mga tainga ng mga bata; kung dito ba naman kasi pinasok ang anak ng hari, na may kasaysayan na ng pagiging makulit, agresibo, pikunin… Maiiintindihan mo kung bakit marami ang lumipat sa ibabang palapag matapos ng pag-anunsyo ng kanyang pagdating.

Himala namang may mga estudyanteng sinikap na maging malapit sa prinsipe. Bagaman halos lahat ng mga batang ito ay pinilit lamang ng mga magulang nila upang mapalapit lamang sa mga maharlika, ikinalugod ito ng prinsipe at tinanggap sila bilang kanyang mga alagad.

Ngunit ang iba naman ay sadyang napalapit lamang sa prinsipe dahil sa kanilang magkaparehas na pag-uugali at pagtingin sa buhay. Nang inaasahan, sila itong mga pasaway sa klase, ang mga hindi nakikinig, mga nawawala nalang nang biglaan habang nagkakaroon ng talakayan sa silid-aralan.

“Arbo!” sigaw ni Prinsipe Rudy habang may nakasiksik na isang buong pandesal sa kanyang bibig, “Dalhin mo mamaya ‘yung alak, wala namang makakakita sa’tin dun!”

Tumawa ang madla, at si Arbo, sumabay na rin. Kay gulo ng mesa, hindi na mapigilan ng mga bata ang kanilang kasiyahan. Ang dami nang nabasag na baso’t plato. At parang muntik na bumigay ang lapag dahil sa kaguluhan.

Ganunpaman, hindi lahat sa kanila ay nakikisabay sa gulo. Sa gilid ng silid-aralan ay nananahimik ang batang si Kalindor at ang kanyang mga kaibigan. Hindi nalang nila pinapansin ang nagaganap sa silid, sa pag-asang hindi na rin sila mapansin ng iba. Pero sa kailaliman ng puso ni Kalindor, gusto niyang magsalita. Minsa’y iniiwasan lang niya, lalo na’t siya ang anak ng isa sa mga kabalyerong pinagkakatiwalaan ng hari. Hindi niya kayang malagay sa panganib ang trabaho ng ama. Ngunit… ang hirap.

‘Imbis na mag-aral… sinasayang niyo ang pera ng mga magulang ninyo.’ iniisip ni Kalindor. ‘Hindi ba itinuro sa atin ang maayos na pag-uugali sa tapat ng hapagkainan? At ang prinsipe pa itong madalas na kasama ng mga Mezular. Balewala lang ba ang lahat ng itinuro sa akin ng tatay ko sa labimpitong taong nandito ako sa Tierra?’

“Hoy, umiwas ka diyan, kakainin ko pa ‘yan. Akin na nga-” biglang banta ni Rudy sa isang maliit na kaklase nilang gustong makatikim ng lugaw. Nagmakaawa ang batang hindi pa nakakakain mula umaga. Minasama ni Rudy ang kanyang mga salita, at sinampal ang kanyang pisngi. Napabagsak ang bata sa lapag. Walang tumulong sa kanya, naglakasan pa ang tawa ng mga alagad ng prinsipe.

“Ito ba gusto mo, ha?” bulong ni Rudy sa tainga ng kanyang biktima, at biglang itinapon sa kanyang mukha ang isang mangkok ng umuusok pa ngang lugaw. “Umayos ka kung ayaw mong mapunta sa kulungan. Leche ka.”

Nagulat si Kalindor nang may kamay na humilot sa kanyang balikat. Nanginginig at namumula na pala siya sa galit, pinapakalma siya ng kanyang kaibigan. Umiling nalang ang kaibigan ni Kalindor, para bang nagsasabing, huwag ka na mangialam.

Pero pagod na pagod na si Kalindor. Hindi niya talaga kinakayang hayaan lang ang mga lintik na itong asal hayop. Tumayo ang anak ng kabalyero mula sa kanyang inuupuan.

“Rudy, tumigil ka nga!” Biglang sigaw ni Kalindor. Biglang nawala ang ingay. Tumigil ang lahat. Ang naiwan lang ay ang tunog ng pag-iyak ng kaklase nilang nakahilantad sa lapag at hinahaplos ang kanyang pisngi.

“Papansin ka talagang hayop ka, Kalindor. Bakit, naaawa ka kay Terrell? Gusto mo siyang mailigtas? Gusto mo maging bayani?” ngiti ng prinsipe habang napupuno ulit ang ere ng mga halikhik ng mga bata.

“Tantanan mo na si Terrell, hinayupak ka. Hindi ka lalabanan niyan. Bakit ba mga mahihina lang ang mga pinapatulan mo?”

Nandilim siguro ang paningin ni Rudy, dahil hindi pa natatapos ni Kalindor ang kanyang mga salita ay nahanap na niya ang sarili niyang nasa lapag, at may sirang upuan sa kanyang tabi.

Mabagal na nilapitan ng prinsipe ang kanyang karibal.

“Alam mong kaya kong tanggalin ang tatay mo sa trabaho, Kalindor. Magpasalamat kang hindi ko pa ‘to ginagawa.”

Sa takot din siguro, sinundo nalang ni Kalindor ang utos ng prinsipe.

“S-salamat…” bulong niya nang may tumutulong dugo mula sa kanyang bibig.

“Kailangan kong marinig nang maayos.”

“Salamat.”

Sa malabong paningin ni Kalindor, nasulyapan niya ang mga ngiti ng mga alagad ni Rudy. May binulong ang prinsipe kay Arbo.

Lumakad papunta sa kanya ang kaibigan ng prinsipe at binitbit ang nanghihinang Kalindor palabas ng kwarto. Bumalik ang ingay at kaguluhan sa sandaling tumapak si Arbo sa labas ng pinto. May napansin si Kalindor na dalawang kabalyero; nakatayo sa tapat ng kwarto, nagbabantay.

"Huwag niyo na siyang pansinin. Tuloy lang!" sigaw ni Rudy mula sa kabilang gilid ng pader.

- - -

Nagising muli ang anak ng kabalyero nang may tatlong sapatos sa kanyang mukha. Palubog na ang araw. Nang maliwanagan ang kanyang mga mata, una niyang napansin si Arbo, nakatutok ang paningin sa mukha ng bata. Dumura si Arbo sa gilid ni Kalindor at iniwanan na siyang mag-isa. Diniinan ng dalawa pang kaibigan ni Rudy ang kanilang pagtapak sa mukha niya.

“Gising na siya, Rudy.” sabi ni Arbo.

Lumapit ang prinsipe, binabaan ang tingin sa kanya. Sinenyasan niya ang dalawang batang nakaapak sa mukha ni Kalindor na iwanan silang dalawa.

“Ano nang nangyari sa’yo Kalindor? Akala ko ba tapat ang pamilya mo sa aming mga maharlika?” dura ni Rudy.

Sinikap ni Kalindor na sagutin ang kanyang tanong. “Hindi ako… bulag. Kung hindi kayo matino, bakit ko kayo sasambahin?”

“Wala kang karapatang magsabi ng ganyan. Kabalyero ang tatay mo. ‘Di ka pa kuntento niyan?” nilapitan ni Rudy ang mukha ni Kalindor. Hindi pinakawalan ng prinsipe ang pagkatitig sa kanya.

“Simula nung nagkamalay ako sa mga nangyayari sa mundo, hindi mo alam kung gaano kalakas ang panghihinayang kong lumapit ako sa pamilya ninyo. Wala kayong hiya.”

Sinipa siya ni Rudy. Bumuga si Kalindor ng dugo.

“Hindi kita titigilan hangga’t mawala ‘yang lason sa isipan mo. Hindi mo na ba naaalala nung pinadala kita sa ospital nung nahulog ka sa pabrika?” sigaw ng Prinsipe.

Nanginig si Kalindor. “Naalala ko, pero sa pagkakaalam ko, hindi naman ikaw ang nagtawag ng tulong, hindi ba? Hindi rin ikaw ang nagbuhat sa akin. Hindi rin ikaw ang nagmaneho ng karwaheng papunta sa gamutan. Nagsinungaling ka lang sa harap nila.”

“Ngunit ang pamilya namin ang dahilan kung bakit ka gumaling, hindi ba, Kalindor? Kami ang nagpatayo ng gusaling pinasukan mo. Kami ang naging dahilan kung bakit gumagaling ang mga tao!”

“Ang pamilya mo ba ang nagbayad sa mga doktor? Ang pamilya mo ba ang nagtahi ng mga sugat ko? At huwag na huwag mong kakalimutan, Rudy, hindi ako kusang nahulog doon. Alam nating dalawa kung ano ang totoong nangyari sa loob ng pabrika, at hinding-hindi mawawala sa isipan ko ang ipinakita mo sa akin, kataas-taasang prinsipe.”

Nanlaki ang mata ng prinsipe. “Pag gumalaw pa ‘yang bibig mo, manghihinayang kang nabigyan pa ng pagkakataong mabuhay ang ama mo.”

“‘Di ako katulad mong mababasag ang pagkatao sa oras na mamatay ang ama. Sa iyo lang gagana ang sarili mong banta, Rudy.”

Tumahimik ang anak ng hari. Tinigilan niya na ang kanyang pagtitig kay Kalindor. Sinara ni Rudy ang kanyang kamao.

“Kailangan mo muna sigurong makatikim ng parusa, noh?”

Nang may ngiti sa mukha, pinagsususuntok niya ang mukha ng karibal. Nagdugo ang pisngi ni Kalindor at ang buko ng kamay ni Rudy. Tumalsik ang kulay pula sa paligid. Hinawakan ng mahigpit ni Kalindor ang damo sa lapag, nananalangin nalang na hindi siya mawalan ng hininga. Kahit iisang araw pa. Pinilit niyang lumaban, ngunit hindi niya mapakawalan ang kanyang hinahawakan. Humiga nalang siya doon, walang imik sa parusa ng prinsipe.

Nanlabo nang paunti-unti ang kanyang paningin, dugo’y patuloy na tumutulo sa kanyang mga mata. Sa bawat suntok ni Rudy ay mas gumugulo ang kanyang pag-iisip. Nahihilo na siya. Napapagod na siya…

Tumigil na ba?

“RUDY, ANONG GINAWA MO?” sigaw ng isang boses na sa tingin ni Kalindor ay si Arbo.

Napapikit nalang si Kalindor. Hinayaan na niya ang kanyang katawang bumagsak sa lapag. Hindi na siya makagalaw.

Ayaw na niyang gumalaw.

- - -

Tik, tik, tik, tik, tik, tik…

Buong magdamag ang pagpitik-pitik ni Rudy sa bintana ng karwahe.

Ang tagal magmaneho ng hardinero nila. Talagang sa hardin lang dapat magtrabaho. Pumipikit na ang kanyang mata, madilim na. Gusto na lamang niyang umuwi at magpahinga.

"Manong Rene! Bilisan mo!" sigaw ng Prinsipe.

Pero kay saya rin naman ng nangyari. Nakaganti na rin siya kay Kalindor. Nagkaroon na rin siya ng matinong rason na sirain ang kanyang pagmumukha. Iilang taon na. Buti ay dumating na rin itong araw na ito.

Ngayon, aayusin nalang niya ang kanyang reputasyon sa eskwelahan, sa mga mamamayan, at pinaka-importante; ang imahe niya sa tapat ng hari, ang kanyang ama.

Nagkamali si Rudy. Gayunpaman, makatwiran naman ang kanyang galit kay Kalindor; ininsulto niya ang pangalan ng mga Legran. Sa tingin niya nga, daragdag pa ang paghanga sa kanya ni Haring Grandor. At tsaka, kay bilis ba naman kasi lumipas ng nangyari. Biglaan nalang nagsitakbuhan ang kanyang mga kaibigan, nagsigawan. ‘Di pa siguro sila sanay sa dugo. Tumakbo papunta sa kanila ang mga kabalyero, binuhat si Kalindor, at inutusan ang prinsipe na sumama na sa karwahe.

Ngayo'y namamatay na siya sa inip. Lulubog na ata ang araw at hindi pa rin sila makakauwi.

Pagtingin niya sa labas ng bintana, ang daming mga taong nakakandado ang mata sa sasakyan. Para bang gawa sa ginto ang karwahe. Kumalat na ba ang balita sa nangyari? Nang ganoon kabilis?

Hindi malaman ni Rudy kung bakit ang tsimosa’t tsimoso ng mga mamamayan. Nakakapagod lang na asikasuhin. Ito na rin siguro ang resulta ng pagiging makapangyarihan, iniisip niya. Kung ganoon, ikalulugod na niyang tatanggapin ang korona. Pwede naman niyang balewalain ang boses nila, lalo na’t wala naman talaga silang alam sa sitwasyon. Kung mananatili nalang silang mangmang, kay sarap siguro ng buhay.

Paglabas ng karwahe ng prinsipe ay sinalubong siya ng Eliante, ang palasyo ng mga Legran. Hindi nakalimutan ni Rudy na tumingin sa itaas at mabigyang-pansin ang kagandahan nito, sa mga patusok nitong mga tore, sa mga pader nitong napapaligiran ng baging at dahon; mga regalo ni Inang Kalibutan. At ang silweta nito sa tapat ng maliwanag na langit…

…ay sinira ng mga ilaw at sigaw ng madla sa paligid. Nagsisiksikan sa tapat ng palasyo, ihinagis nila ang kanilang mga katanungan sa binatang prinsipe.

“Prinsipe Rudy! Totoo ba? May nahimatay daw sa akademiya matapos mo siyang suntukin!”

“Prinsipeng Legran, maawa naman kayo, naghihirap kaming mga taga-Kanluran… kung mabanggit mo sana sa hari…”

“Prinsipe! Ano po ang iyong mga damdamin tungkol sa napakagandang Koliseo na pinagawa ng Hari?!”

Did you know this story is from Royal Road? Read the official version for free and support the author.

“Umayos kayo! Dadaan ang prinsipe! Bigyan niyo siya ng madadaanan kung ayaw niyong matusok ng sibat!”

Nasuklam nalang si Rudy sa baho at init. Hindi na niya pinansin, aasikasuhin naman ito ng mga kabalyero. Tinakbo na niya ang papunta sa pinto ng palasyo at sinara ito ng kanilang mga guwardiya. Tahimik na rin, sa wakas.

“Rudy, ano nanamang ginawa mo?”

Umalingawngaw ang malalim na boses ng kanyang tatay sa bulwagan ng palasyo. Lumunok nalang si Rudy sa tensyon. Sa kanyang harapan ay nakaupo ang Haring Grandor sa isang trono ng ginto. May nakalapag na pulang alpombra patungo sa kanyang upuan, na isang palapag na mas mataas kaysa sa sahig na tinatapakan ni Rudy. Nanliit si Rudy sa laki ng bulwagan. Kay dami nang mga taon ang lumipas, hindi pa rin nawawala ang kanyang kabalisahan sa tuwing lumalakad siya sa lapag na ito.

Ngunit ang tumatak sa isip ni Rudy ay ang pagtitig sa kanya ng hari. Halatang hindi nanaman siya sang-ayon sa galaw ng kanyang anak.

“Ama, may kahulugan po ang lahat ng nangyari sa akademiya, kung papakinggan niyo lang sana ako.”

Habang nakatutok ang mga mata ni Grandor sa kanyang prinsipe, siya’y nagsalita. “Papakinggan kita, ngunit kailangang mapatunayan mo na karapat-dapat talagang mangyari ito sa kanya.”

Huminga nang malalim ang prinsipe.

“Ininsulto niya ang pangalan nating mga Legran. Tinawag niya akong hinayupak. Tinawag niya akong mahina.” Nanginginig ang boses ni Rudy, hindi umiimik ang hari. “Pinahiya niya ako sa buong klase...”

Uminom ang hari ng alak mula sa isang kalis na ibinigay ng isang alipin. Matapos ang iilang saglit na tahimik, may lumabas na buntong-hininga sa bibig ni Grandor. “Iyan lang ba ang dahilan?”

“O-Opo.” bulong ni Rudy.

Tumayo ang hari.

“Iilang beses ko nang sinasabi sa’yo… Hindi mo dapat pinapakialaman ang batang iyan. Gusto mong magsimula ng gulo? Ayan! Tumingin ka sa labas ng pinto ng palasyo. Isinubo mo lang sa bibig ng mga tao ang gusto nilang malasap. At hindi mo ba naisip, kung anong masasabi ng tatay niya sa oras na bumalik sila mula sa kanilang misyon, ha? Nag-iisip ka ba?!”

Sa sobrang lakas ng sigaw ni Grandor ay tila umugoy ang palasyo. Napatingin sa lapag si Rudy.

“Hindi dapat tayo umakto nang ganyanan lamang, Rudy,” ipinatuloy ng hari. “Kung gusto mong gumanti, ayusin mo ang iyong pamamaraan. Maging matalino ka! Huwag kang magpapadala sa iyong damdamin. Hindi iyan tama para sa isang hari!”

“Opo, Haring Grandor.”

“Tingnan mo ako, at sabihin mong naiintindihan mo.”

Mabagal na gumalaw ang mga mata ni Rudy papunta sa kanyang ama. “Naiintindihan ko po, Haring Grandor.”

Sa paggalaw ng kamay ni Grandor ay nakita ni Rudy ang kanyang pagkadismaya. Lumapit ang dalawang alipin sa tabi niya.

“Paakyatin niyo na yan.” utos ng Hari.

Dinabog nalang ng prinsipe ang kanyang inis sa pag-akyat ng paikot na hagdanan.

- - -

"Leche!" At isa nanamang upuan ang nasira sa bigat ng kamay ng Prinsipe.

“Mas mahalaga pa ba ‘yung anak ng kabalyero kaysa sa sarili niyang anak?!” Pinaghahahampas ni Rudy ang kanyang mukha, hinihila ang kanyang buhok. Ang matinis niyang mga sigaw ang pumuno sa ere ng kwarto.

“Wala naman akong ginagawang kamalian! Dinuraan niya ang pangalan natin, ginawa ko lang ang karapat-dapat na mangyari! Ako pa talaga ang may kasalanan?”

Nanginig ang batang prinsipe sa lapag ng kanyang kwarto. Nakabukas ang mga bintana. Nanlamig siya sa nagyeyelong hangin mula sa ilabas.

Sa kaliwa ni Rudy ang isang mesang nagmumukhang kapani-paniwalang ginto dahil sa pagkapintura dito. Naaninag ni Rudy ang kanyang pagmumukha sa kintab nito. Kalunus-lunos. Nakakaawa lang tignan. Pati siya ay nasuklam sa sarili niyang itsura.

Sa itaas ng mesa ay nakalapag ang isang baril.

Para bang inaakit siya. Kunin mo na, sabi ng kanyang isipan. Gusto mo namang maging malaya na, di ba? Gusto mong maramdaman ng ama mo ang sakit na binibigay niya sa’yo.

“Mali ka. Ginhawa sa kanya ang aking paglisan. Kung mamatay ako, walang makakatalo sa kanya sa trono.”

Ngunit nahihirapan ka na, Rudy. Tignan mo ang sarili mo. Kadiri. Hindi ba ayaw mo sa taong ganyan? Hindi ba ayaw mo sa taong mahina, sa taong walang-alam? Hindi mo ba nakikita, na inaayawan mo dapat ang sarili mo?

Tumulo ang luha ni Rudy sa lapag. Kahit pinilit niyang hindi tumayo, may nagtulak sa kanyang gumalaw papunta sa mesa. Nang ilang sandali, para bang nawala ang kanyang kalayaan. Tinitigan niya ang kanyang baril.

Ano pa ang hinihintay mo, Rudy? Tapusin mo na ang lahat.

“Hindi ako mahina!”

Binato ni Rudy ang baril sa labas ng bintana. Lumipad ang baril sa ere, bago ito tuluyang bumagsak sa lapag. Huminga nang malalim ang binata.

“Papatunayan ko sa tatay ko na hindi ako ang batang nakikita niya sa akin. Mas magaling pa ako. Mas malakas ako!”

Binuksan ni Rudy ang pinto. At siya’y huminto. Sa harap niya ay ang gintong tungkod na ginagamit ng kanyang ama. Nasa harap din niya ang damit panghari na sinusuot lamang ni Grandor. Tumingala si Rudy, at nagkita rin ang mga mata niya at ang mata ng hari.

“Mas malakas ka? Sa tingin mo, sa lagay mong ‘yan, malakas ka, Rudy?” tanong ng kanyang tatay habang paunti-unting umaabante papasok ng kwarto.

“Hindi mo lang nakikita, ama. Kung bibigyan mo ako ng pagkakataon–”

“Kay dami-rami nang pagkakataon ang binigay ko sa’yo, Rudy. Anong ginawa mo? Nagpadala ka sa nararamdaman mo. Nagpadala ka. Hindi ka malakas, Rudy. Kahit ano pang kasinungalingan ang itatak mo sa kukote mo.”

Pinatunayan ni Rudy ang pahayag ng hari. Sinubukan niyang suntukin ang kamay ni Grandor.

“Ah! Mali ka!” Hinampas nang hinampas ni Rudy ang kanyang ama. Bumagsak ang hari sa lapag ng kwarto, ngunit hindi siya lumaban. Hinayaan niya lang ang anak niya na ilabas ang kanyang galit. Dumugo na ang kanyang ilong. Nahulog sa lapag ang kumikinang na korona ng Teccao. Natikman rin ni Grandor ang lakas ng kamao ni Rudy, ang mga kamay na sinanay ng mga kabalyerong nagturo sa prinsipe. Pero hindi umimik si Grandor.

Tumawa lang siya.

Napagod ang binata at dumapa sa sahig. Umiiyak, nalilito.

“Tapos ka na?” sabi ng kanyang ama.

“Hindi totoo ang sinasabi mo. Hindi 'yan sasabihin ni ina sa akin…” bulong ni Rudy.

Sumimangot ang kanyang ama.

"Patay na ang ina mo."

Hinampas ni Grandor ng tungkod ang likod ni Rudy. Sumigaw ang prinsipe. Hindi tumigil si Grandor hangga’t mamula ang sinusuot na damit ni Rudy, hangga’t alam niyang natikman na ng binata ang kailangan niyang parusa.

“Sandali, ama! Tumigil ka! Ama, ang sakit!” alingawngaw ng matinis na boses ng binata.

“Hindi ka karapat-dapat na maging hari! Sabihin mo sa akin iyan!”

“H-hindi- Ama!” pagmamakaawa ng prinsipe.

“Hindi ka karapat-dapat na maging hari!”

“H-hindi ako karapat-dapat… na…”

Nahimatay si Rudy. Huminga nang malalim si Grandor at tinigilan na rin niya ang binata. Pinunasan niya ang dulo ng tungkod at tinawag ang mga aliping nasa pasilyo. Narinig pa ni Rudy ang malabong salita ni Grandor sa tumutunog niyang tainga.

“Sa ospital. Kailangan niyang matuto.”

- - -

Naghiyawan ang madla sa loob ng Koliseo. Madilim na, ngunit hindi ito pumigil sa mga taong magdagsaan papuntang pasukan at maghilahan paloob. May mga nagsuntukan at nagkaduguan dahil sa sikip ng pila at ang umiinit na ulo ng mga guwardiya. Sabay pa nito ay ang napakalamig na hangin na tinitiis na lamang ng mga tao, maranasan lamang ang makaupo sa loob ng Koliseo.

Ngunit kasabay ng mga sigaw ng papuri at paghanga kay Grandor ay ang mga umaangal at nanghihingi ng reporma. Nagdagsaan sa labas ng tarangkahan ang mga umaayaw sa pamamahala ng hari, pinipilit na sumiksik sa kadami-raming tao upang maipahayag sa kanilang mga kabayan na mali ang kanilang pananaw.

“Hindi niyo naiintindihan! Marami sa mga bilanggong nakakulong ngayon sa ilalim ng Koliseo ay hindi pa naman napapatunayang kriminal! Ginagamit lang sila ni Grandor para sa sarili niyang pakinabang. Sa bulsa niya lang sumusulpot ang mga ibinabayad ninyo!” sigaw ng isang ale kasabay ng iilan pang nagpoprotesta sa tapat ng pasukan. Nakatayo siya sa isang patungan, ngunit hindi rin naman makita ang kanyang ulo sa kalagitnaan ng magulong madla.

May humila sa kanya pababa. Isang mas matandang babae na kapit-bahay ata ng ale.

“Hoi! Anong pinagsasabi mo? ‘Pag ikaw nahuli ka ng mga kabalyero ‘di ka namin kikilalanin, ilalagay mo pa kami sa tukso!”

“Manang, hindi tama ang ginagawa nila. Ang kapatid ni Espejo nandoon, at anong ginawa niya? Wala! Nahulog lang sa bayong niya ‘yung iisang mansanas na pinagiinitan nila! Ngayon itinuturing na siyang magnanakaw? Isang kriminal? Hindi ko ito maipalalagpas lamang!”

“Pucha, ayaw ko nang manggulo. Hahayaan nalang kita, mahuhuli pa ako.”

“Manang, wala ka na bang pake kay Victorio?!”

“‘Wag mo ‘kong sabihan nang ganyan! Ako man ang nagpalaki sa batang iyon, pero kung mapapahamak lang ako sa kalokohan nilang magkapatid, kasalanan na nila ‘yon! Hindi sila akin!”

Lumayo ang mas matandang babae papalayo ng Koliseo. Naiwan ang ale na pawisan at namumula. Habang hinihingal ay tinungtong niya ang patungan at muling nagsimula sa kanyang pagsigaw. Ngunit sa hindi niya inaakala, magtatapos nang maaga ang kanyang pamamahayag.

Mga ilang minuto ang lumipas bago niya marinig ang unang yapak ng mga kabalyero ng Teccao, pinapaalis ang mga taong nakaharang sa daan upang maipasok ang karwahe ng hari. Malalaki ang mga taong ito, tila doble ng kanyang tangkad. At tumahimik nalang bigla ang kanyang bunganga nang matitigan siya ng isang kabalyero at matutok sa kanya ang sibat.

“Alis. Baba.” sabi ng tauhan ng hari.

Nangangambang dumapa sa lapag ang ale. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari. Napakahirap hulaan ng mga galaw ng mga kabalyero ngayon, lalo na’y mas pinahigpit pa ni Grandor ang seguridad sa pagbigay niya ng buong kalayaan sa kanyang mga alagad. Walang magagawa ang ale. Wala siyang karapatang ipaglaban ang kanyang sarili. Nang hindi na niya namalayan, hinihila na pala siya ng kabalyero paalis ng tarangkahan. Walang iisang ulo ang lumingon para mapansin ang katawang ginigiling sa lapag.

Nakapasok ang hari sa loob ng Koliseo nang may malakas na palakpakan at sigawan mula sa madla. Walang nagtanong kay Grandor kung anong ginawa ng prinsipe sa anak ng komandante ng Teccao. Walang nakapansin sa mga kabalyerong inutusan ng hari na palabasin ang mga tumutuligsa sa kanya. Walang nakaalala sa babaeng sumisigaw kanina sa tapat ng Koliseo. At kung natandaan man nila, bakit sila mangingialam?

- - -

“Mabuhay sa lahat ng Teccian!” mas lumakas pa ang hiyawan ng mga tao nang marinig nila ang boses ng kanilang minamahal na hari. May mga ikinabit na makina sa gilid ng Koliseo na yaring metal at kahoy upang umabot ang mga salita ni Grandor hanggang sa dulo ng gusali. Akalain ng mga tao na regalo ito ni Inang Kalibutan na ibinahagi ng mga Bagong Mezular para sa kanilang kaharian. Pulang-pula ang ulo ni Manong Macawili, ang matandang binayaran ni Grandor para magamit ang kanyang naimbento.

“Araw-araw papagurin mo ang sarili mo, duguan na mata’t paa mo, tapos sasabihin nila galing ito kay Inang Kalibutan? Aba! Edi sana sumali nalang ako sa labanan, mas maigi pa atang maging kriminal!” sigaw ng matanda sa kanyang pagkarinig sa kuwentuhan ng mga bata tungkol sa makinang ito.

Nagpatuloy si Grandor sa kanyang talumpati.

“Ngayo’y masasaksihan ninyo ang unang araw ng mga labanan sa loob ng ating Koliseo! Magpasalamat tayo kay Inang Kalibutan, na biniyayaan tayo ng ganitong oportunidad upang magsaya at ngumiti! Bigyan rin natin ng liwanag ang mga sakripisyo ng ating Bagong Mezular, na silang patuloy na nagsusumikap sa pag-aayos ng ating relihiyong Menzul, at mas pinapalapit ang ating mga puso kay Inang Kalibutan.”

Mula sa likod ni Grandor ay tumayo ang iilang matatanda, apat na lalaki, isang babae. Ang isa dito ay kalbo na, halos buto’t balat nalang ang katawan, ngunit napapalibutan ang kanyang leeg at braso ng mga gintong kuwintas at pulseras. Isa nama’y malinis tingnan at maayos ang itsura. Sa kanyang kaliwa ay isang matandang mahaba ang buhok, at may mga nakasabit sa kanyang mga dahon at bato upang maipakita sa tao na may paraan siya upang mapalapit sa kanilang diyosa. Ang nakaupong pinakamalapit kay Grandor ay ang Inang Esperanza, ang nagpalaki sa hari at sa kanyang tatay, ngunit hindi siya nakangiti o nakasimangot. Nakatitig lang ang kanyang mata sa kawalan.

May isa naman, ang pinakamaliit at pinakabata sa kanilang lahat, isang lalaki. Maitim ang kanyang balat, malaki ang tiyan, at madungis kung kumain. Nang siya’y tumayo, nahulog ang mga mumo ng tinapay na nakakalat sa kanyang dibdib. Ito’y si Amang Arturo, ang lider ng mga Bagong Menzul na inatasang mamuno sa nayon ng Vigor; ang paboritong nayon ni Grandor. Malamang, si Arturo rin ang paborito ng hari.

“Lalo na sa nayon ng Vigor, sa pagpapatuloy ninyong suporta sa pamilya naming mga Legran, at ang walang-tigil ninyong pagmamahal sa ating kahariang Teccao! Mabuhay!”

Nagsigawan ang madla, lalo na ang mga taong nakaupo sa bandang kanan na may hawak na mga bandila ng Vigor at ang watawat ng Teccao. Umusbong ang kulay pula sa bawat gilid ng Koliseo. Lumaki ang ngiti ni Grandor.

Matapos ng kanyang talumpati (karamihan lang ng kanyang sinabi ay mga papuri sa mga nayong tapat sa kanya), lumabas na ang parada mula sa ilalim ng palapag na tinatapakan ni Grandor. Nagpakita ang mga nagsasayawan, mga lalaking malalaki ang katawan at nakasuot lamang ng korto, mga babaeng may suot na sumbrerong dinisenyo gamit ang mga tuyong dahon at ang kintab ng ginto. Tila nakasalpak na lamang sa mukha nila ang kanilang ngiti. Makapal ang kolorete na ipinahid sa kanilang mga mukha at katawan upang magmukha silang kaakit-akit sa mga lalaking manunuod sa Koliseo.

Pumasok din ang mga kalabaw na may hinihilang karwahe na may patungan sa itaas. Kasabay nila ang mga nakamaskarang taong nilalatigo ang kanilang puwit para mapilitan silang maglakad. Sa itaas ng mga karwahe, mayroong mga lalaking nagbubuga ng apoy, sumasayaw hangga’t pawisan, at mayroon pa ngang isang nakabitin sa isang malaking kamay na yari sa bakal at pininturahang itim. Gumagalaw ito na para bang pinaglalaruan ang taong nakasabit sa mga daliri.

Pinanood ni Grandor ang lahat, pinakinggan ang tawa ng madla, ang usapan ng mga Bagong Mezular, ang hiyaw ng hangin, ang kulob ng langit, at ang katahimikan ni Esperanza.

At siya’y natuwa.

Ito ang Teccao na ginusto niyang makita. Ito ang Teccao na kay tagal na niyang pinapangarap. Ang mahalin siya ng tao, ang paniwalaan siya ng mga Bagong Mezular, at ang maramdaman niya ang kay laki-laking kapangyarihan na itinago sa kanya ng kanyang tatay. Sa araw na ito, nagtagumpay na siya. Sa araw na ito, at sa mga sumusunod pang paglabas ng araw mula sa kabilang parte ng Tierra, unti-unting kikilabutin ang Teccao ng kanyang pagmamahal, pagkabukas-palad, at ang kamay ng kanyang buong kapangyarihan. Mula ngayon, kanya na ang Teccao.

Ngunit ito rin ang simula ng kanyang pagkabigo.

“Haring Grandor! Pasensya na, kailangan kitang makausap…”

Biglang sumulpot ang isang kabalyerong hinihingal, basa ang damit, kulang sa pahinga, sa gilid ng palapag. Tinanggal niya ang kanyang kupya at pinakita ang kanyang mukha sa hari. Nagulat ang mga Bagong Mezular, at napatingin din sa Inang Esperanza. Nilapitan ni Grandor ang kabalyero upang marinig siya sa kalagitnaan ng gulo at ingay ng Koliseo. At napansin ni Grandor ang kanyang mukha. Siya si Kannon, ang tatay ni Kalindor, ang komandante ng armadang pinadala niya sa Midnia.

“Haring Grandor, may sumabay sa amin sa aming ruta pabalik. Kinailangan naming ihinto ang pag-atake. Ngunit hindi namin malaman kung sino o ano ito, nasa ilalim siya ng tubig!”

Nanlaki ang mata ni Grandor.

“Anong ibig sabihin nito, Kannon?”

“Hari, maaaring nasa panganib ang ating kaharian.” bulong ni Kannon.