Novels2Search
Kumot Kilabot [Filipino]
Ang Nawawalang Nayon ng Cura

Ang Nawawalang Nayon ng Cura

Ang Nawawalang Nayon ng Cura [https://i.imgur.com/mu9kVrY.jpg]

Humihilom pa ang mga sugat na binigay ng Teccao sa Midnia. Palala nang palala pa rin ang sitwasyon ng mga natamaan ng kidlat ng pandemya. Nagsusumikap ang mga tao na makalabas sa nahulugan nilang butas, ngunit para bang sa bawat padyak nila ay biglaan nalang muling mahuhulog sa pinanggalingan.

Akalain mo'y ligtas ka na mula sa sakuna, ngunit lilipas lang ang iilang saglit ng kapayapaan, at mahahanap nanaman nila ang sarili nilang nasa kalagitnaan ng giyera.

Kahit ngayon ay naguguluhan pa ang mga Midnian, lalo na ang kanilang mga sundalo. Para bang masyadong mabilis na natapos ang labanan; sumuko agad ang mga Teccian at umabante mula sa kanilang posisyon. Aakalain mong nakakita ng lumilipad na ipis. Nagpasalamat nalang sila na ganito ang nangyari, lalo na’t marami sa mga sundalo sa digmaan ang ‘di inaasahang biglang aatakihin ng sakit.

Nang makita ni Reyna Lumina ang malamig na katawan ni Idrola sa kanyang higaan, wala na siyang nagawa kundi sumigaw. Sa pananaw ng mga naghihirap na mga mamamayan ng Midnia, sa kaliwanagan ng umaga, bigla nalang silang nakarinig ng pagtili ng isang matandang babae sa taas ng Encela, ang palasyo ng mga Dysplis. Sa pagod at lungkot ng mga tao, nagmukha nalang itong karaniwan sa kanila. Hindi na nila inabala pa ang mga maharlika, kailangan muna nilang asikasuhin ang sarili nilang pamilya. Dahil dito, naging munting lihim na muna ang paglisan ni Idrola, at ang pag-alis ng bagong haring si Tydel.

At ang binata, na ngayo'y unti-unti nang nagkakaroon ng pagkabalisa, kahit na malakas pa ang engkantong ibinibigay sa kanya ng kuwintas, ay nakakulong pa rin sa submarino. Nababaliw na siya sa kawalan ng katiyakan. Talaga bang babagsak pa siya sa latian ng Cura? O dito na sa karagatan mamumuo ang kanyang kalansay?

Nilabanan niya ang kanyang utak. Malaking tulong ang kuwintas. Kumapit pa siya. Hindi niya pwedeng mabigo ang kanyang misyon. Hindi maaari.

Mga iilang araw na siyang nasa ilalim ng karagatan. Hindi na niya alam kung nasaan na sa langit ang araw. Paubos na rin ang pagkain, ngunit salamat sa kuwintas ay hindi siya ganoon kadalas magutom. Paminsan-minsa'y gagalaw ang submarino na para bang lumindol. Sa tingin ni Tydel ay iniistorbo niya ang mga nilalang sa ilalim ng tubig. Baka hindi na niya mamalayan, nasa loob na pala siya ng bituka ng isang balyena. Tumingin siya sa labas ng bintana. Maaaninag pa rin naman ang mga ilaw ng araw.

Iniisip ni Tydel kung ano ang kanyang gagawin pagbagsak ng Cura. Ano ang aking sasabihin sa kanila? Maniniwala ba sila na taga-Midnia ako? At ang pinaka-importante, paano ko maililihim sa mga Teccian na namumuhay pa ang nayon ng Cura? Hindi nila dapat malaman. Ang mga Curan lang ang natatanging pag-asa ko, hindi ko ito palalampasin.

At ang aking ama… ano na ang mangyayari sa bayan ko? Sino na kaya ang mamumuno sa kanila…

Kumikirot pa rin ang puso ni Tydel tuwing naaalala ang kanyang ama. Malas na ang bilis dumating ng kanyang paglisan… Hanggang ngayon ay nalilito pa rin ang isipan ni Tydel sa kung tama ba ang kanyang desisyon na bagsakin ang pagkakataong maging hari. Alam niyang mas mahalaga ang misyon niya ngayon, ngunit kung iiwanan lang niya ang Midnia nang ganoon, na walang kinabukasan na haharapin…

Mahal niya ang Midnia, ayaw niyang masaktan pa ito. Kailangan niyang tapusin ang kanyang misyon. Tinutok nalang niya ang isipan niya sa mga salita ni Amang Abracosa.

Wala nang maiiba. Kailangan nalang nating umusad.

Ngunit nasa tuktok ng kanyang isipan ay ang kanyang minamahal. Kay lungkot lang na isiping kung siya'y ibang tao, kung hindi siya si Tydel, kung hindi siya ang prinsipe ng Midnia, baka ngayon, kahit na watak-watak ang mga gusali galing sa apoy ng Teccao, mahahawakan pa rin niya ang kamay ni Jessenia. Baka sa sandaling ito, nararamdaman niya kung gaano katamis ang halik niya. Sa dami-rami ng mga panghihinayang ni Tydel, ang pag-iwan kay Jessenia ang pinakamasakit sa lahat.

Tinitigan ni Tydel ang bubong ng submarino. Bawat araw, parang unti-unting nagiging berde at asul ang paligid. Kahit sa kanyang paningin. Dumidilim rin. Ang tagal na noong huli siyang nakakita ng liwanag… Ang hirap lang isipin na ang liwanag na iyon ay ang mga pagsabog ng bomba ng Teccao.

Huminga siya nang malalim. Kaya pa, sabi niya.

Tumulala nalang siya sa bintana. Mas maigi pa kaysa sa tumunganga sa kadiliman ng loob ng submarino. Kinuha niya ang tubigan at uminom. Sa simpleng paglunok niya ng tubig ay may namuo sa kanyang katiting ng pag-asa. Kaya pa, ngiti niya.

Sa labas ng bintana ay nakikita niya kung paano namumuhay ang mga nilalang sa karagatan. Madalas niyang sinasamahan dati si Amang Abracosa sa pangingisda, at marunong siyang lumangoy, dahil tinuruan siya ng kanyang tatay noong siya’y malakas pa. Ngunit hindi niya naranasan na lumubog sa ilalim ng dagat. Ngayong nakikita na niya, napagtanto niya kung gaano karaming kagandahan ang hindi pa niya nasasaksihan sa buong buhay niya.

Nakita niya ang iba’t ibang mahihiwagang mga anyo ng mga bato na pinaninirahan ng makukulay na isda. Sa bawat gilid ng submarino ay may mga sumusunod sa kanya, madalas ay ang mga maliliit na isda na sama-sama kung maglibot sa kailaliman ng karagatan. Minsan nama’y masasaksihan niya ang pagkain ng malalaking isda sa kanilang biktima. Nakakapanibago, ngunit kay ganda tingnan. Iniisip niya kung ilang taon ang lumipas bago mabuo ni Inang Kalibutan ang mahiwagang Tierra.

Sa abot-tanaw ay medyo nawawala na ang mga isda. Mas nagiging berde na rin ang tubig. Tiningnan nang mabuti ni Tydel ang nasa kabilang dulo ng bintana.

Tumayo si Tydel.

Sa kanyang harapan ay isang malaking bato.

Nataranta ang binata at tumakbo papunta sa harap ng submarino at hinawakan ang manibela. Bigla siyang nahirapang huminga.

Huwag ngayon… Pakiusap, ‘wag ngayon!

Mabilis na umandar ang submarino diretso sa bato. Kailangang umakto nang mabilis ni Tydel. Pinilit niyang iliko ang submarino pakanan.

Liko! LUMIKO KA!

Unti-unting kumanan ang submarino, ngunit nahirapan ito. Sa bilis ng andar, halos wala nang oras para maiba ang landas.

Binalibag ni Tydel ang kanyang katawan sa kanang pader ng submarino. Inaasahan nalang niya na gumalaw nang kahit kakaunti. Hindi maaaring masira ang sasakyang ito. Ito lang ang paraan niya upang makauwi nang ligtas…

Mabagal na lumiko ang submarino.

Lumagpas ang malaking bato sa kanyang kaliwa. Tagumpay.

Inatras ni Tydel ang manibela upang pabagalin nang onti ang takbo ng makina.

Pinakalma ni Tydel ang kanyang sarili. Ngumiti siya. Tumawa. Bumagsak sa lapag. Hindi lang ito ang madadaanan niyang problema pagdating sa Teccao. Ito palang ang paanan sa isang bundok ng kahirapan. Simula palang. Ngunit natuwa si Tydel, dahil hangga’t kaya niyang malampasan ang mga suliraning ihahatid sa kanya, hindi pa tapos ang kanyang misyon.

Nakangiting tumingin si Tydel sa bintana. Nang hindi niya akalain, mayroon nanamang suliraning kailangang malampasan.

Ngunit ngayon, mas malaki ang bato at mas madilim na ang katubigan.

Hindi na siya makakaliko.

Pinikit nalang niya ang kanyang mga mata. Hihintayin nalang ang katapusan.

- - -

At sa gilid ng mga sigawan at sakitan ng mga sundalo ng Midnia at kabalyero ng Teccao, mapayapang nanonood ang nayon ng Cura.

Iisa lang naman si Urien sa mga mamamayang namumuhay sa nayong ito. Iisa lang din siya sa mga Curan na may ayaw sa kanilang katahimikan sa digmaan.

Kung mas matanda sana si Urien, kung nasa edad na siya na may kakayahang gumawa ng malaking pagbabago, gagawin niya ito sa abot ng kanyang makakaya.

Kung ilalarawan si Urien, tahimik lang siya, wala ring masyadong kaibigan kundi ang kanyang mga nakikilala sa paaralan. Nagagawa niya ang kanyang mga tungkulin sa paaralan nang maayos. Masipag siya at responsable, lalo na’y inaalagaan niya ang kanyang inang si Rashana na ngayo’y matanda na at hindi na makatayo o makapagsalita nang maayos.

Ngunit sa sandaling magalit si Urien ay ihanda mo na ang mga panalangin mo kay Inang Kalibutan.

Maihahalintulad siya kay Prinsipe Rudy na mainitin ang ulo, ngunit mas kalkulado ang kanyang mga galawan. Kahit ang mga nanunukso sa kanya noong kabataan nila, natatakot na sa kanya ngayon. Pero hindi ibig-sabihin na tumigil na sila.

Nagtatrabaho ngayon ang dalaga sa taberna malapit sa bahay ng kapitan ng Cura (na isang totoong Mezular, ang natatanging Lumang Mezular na namumuno sa isang nayon). Pinipilit niyang ipagsabay ang gawain niya dito at ang kaniyang pag-aaral. Madalas ay naglilinis lang siya ng mga pinggan, nagpupunas ng mga mesa, naghahatid ng mga pagkain. Ngunit sa araw na ito, nagkataon na nagsama ang mga Mezular, ang kapitan, at ang iilang mga pamilya. Malaking pagdiriwang ito, hindi karaniwan sa araw-araw na ganito karami ang paglilingkuran ni Urien. Sa pagkakarinig niya, pipili daw muli ng panibagong kapitan ang mga mamamayan. Alam naman niya na mananalo ulit si Amang Verano, taos-puso kasi ang kanyang paglilingkod para sa bayan. Ngunit mukhang nagdadalawang-isip ang dalaga dahil sa kalaban niyang kandidato.

"Urien! Isa namang baso ng gulaman dyan! Pero, unahin mo na muna ‘yung sabaw ni Ginoong Monteverde, alam mo namang ayaw niyang maghintay nang matagal. Saka na ‘yung utos ni Amang Verano sa’yo, salamat, salamat–" utos ng isang Mezular na nanirahan na sa Cura kasama ang karamihan sa kanyang mga kalahi.

"Opo, Inang Silaya." ang lumabas sa pagod na labi ni Urien habang pinupunasan niya ang mga nagamit nang upuan.

Gabi-gabi ay ito ang inaatupag ng dalaga. Ngayon lang talaga'y lumaki ang kanyang responsibilidad at talagang nahirapan ang kanyang katawan. Kinaya naman, ngunit gusto na niyang umupo, kahit saglit man lamang. Pero hindi siya makahanap ng oras dahil sa rami ng mga kumakain at nagpipistahan. At tsaka, kailangan niyang makapag-ipon ng sigla para sa kaniyang gagawin sa harap ng madla mamaya.

May isa pang talento si Urien na ibinabahagi lang niya kung napilitan. Marunong siyang maglaro ng kulitong. Isa itong instrumentong gawa sa kahoy ng mga puno sa latian. Nakakorte itong tubo, at sa bawat gilid nito ay nakatali ang mga kuwerdas na hinahampas ni Urien gamit ang isang patpat upang makagawa ng tunog.

Mas gusto ni Urien na magamit ito nang siya lang mag-isa, upang marinig niya ang mahiwaga nitong tunog at makaramdam naman siya ng kakaunting kapayapaan… Na maramdaman niyang hindi lahat sa mundo ay kumokontra sa kanya.

Ngunit sa gabing ito, naisip ni Urien na magamit ang kanyang kakayahan upang maibahagi ang kanyang mensahe.

"Urien! Napapagod ka na ata?" napansin ni Amang Patricio.

"Opo, Ama," buntong-hininga ni Urien habang sinasalin sa isang baso ang gulaman na kanyang ginawa noong umaga.

"O, ito, para sa'yo."

Ginalaw ni Patricio ang kanyang mga kamay at sa isang iglap ay muling nagkaroon ng lakas at buhay si Urien. Napangiti ulit siya at ginanahang magbigay ng kaniyang serbisyo.

"Salamat po, Ama!" At mabilis niyang inihatid ang pagkain sa mga naghihintay.

Naging bahay na ng mga Lumang Mezular ang maliit na nayon ng Cura. Dito nila naramdaman ang kaligtasan na kinakailangan nila mula sa mga kamay ni Grandor. Hanggang ngayon, hindi pa rin alam ni Grandor na umiiral pa rin ang nayon na ito. At gusto ng mga Curan na manatiling ganito.

Dito nila ibinuhos ang kanilang kapangyarihan at pagmamahal. Sa tingin nila, sila ang karapat-dapat na tumanggap nito. Tila ang mga Curan nalang rin kasi ang sumasang-ayon pa sa kanilang mga turo at gawain. Ngunit kailangan nilang maging ligtas. Hindi nila maaaring magamit ang kanilang kapangyarihan sa isang engkantong maibubunyag ang Cura sa mga mata ni Grandor. Sa abot ng kanilang makakaya, kailangan nilang itago sa ilalim ng dila ang pangalan ng kanilang bayan.

Ito ang labis na kinaaayawan ni Urien. Mahal niya ang mga Lumang Mezular, at mahal din siya ng mga ito, ngunit nakakasuklam na wala silang nasasabi sa estado ng digmaan sa pagitan ng Midnia at Teccao. Alam na alam ni Urien ang epekto ng Araw ng Pagbabago. Araw-araw ba naman niyang nakikita ito sa mga mata ng kanyang ina. Hindi man niya ito naranasan, hindi man talaga niya naramdaman ang pananakit ng mga Teccian sa mga kaaway ni Grandor, alam niya na sila ang may kasalanan kung bakit nahihirapan nang magsalita si Rashana.

Kung kaya para bang nawala ang mahika ni Amang Patricio nang marinig ni Urien ang pinakamalapit na usapan.

“Papa, natatakot ako…" sabi ng isang maliit na batang babae sa kaniyang tatay.

"O, bakit naman, anak?" tanong ng kaniyang ama.

"Naaawa po ako sa mga tao sa Teccao…. Diba po, pag masama ka, pipilitin ka daw po niyang kalabanin ang mga kaibigan mo sa kulungan?"

"Nako, iwanan na natin sila diyan. Ayaw ko makisali sa gulo. Iilang taon na tayong mapayapa rito, o? Sapat na sa akin ito! Sapat na dapat sa atin ito, anak." sagot ng tatay.

"Tama ka. At tsaka, wala na tayong magagawa pa. Maliit lang tayo na nayon, hindi natin madedepensahan ang mga baril at makina nila. Huwag kang mag-alala, neng, mahal tayo ni Inang Kalibutan…" sagot ng isang Mezular.

"Maigi pang tahimik lang tayo rito. Urien! Paki-abot naman ng baso diyan. Salamat!"

Ngunit hindi pinansin ni Urien ang tatay, kahit na iisang mesa lang ang pagitan nilang dalawa.

"Urien? Narinig mo ba ako?"

Tumalikod si Urien at tumingin sa kanila. Itinaas niya ang isang kilay at sinabing, "Akala ko ba'y gusto ninyong manahimik?"

Hindi nakapagsalita ang mga nakaupo sa mesa. Natulala nalang sila sa dalaga nang inilapag nito ang hiningi nilang baso. Hindi napakawalan ng anak nila ang pagtingin niya kay Urien.

May nagsalita mula sa entablado malapit sa kusina ng taberna.

"Magandang gabi po sa inyong lahat! Ako po si Inang Silaya, kilala niyo naman na ako."

Nagtawanan ang madla. Iniwanan ni Urien ang mga tao sa mesa at umalis papunta sa kusina. Nagtago. Mula sa kabilang gilid ng manipis na pader ay pinakinggan nalang ng dalaga ang mga salita ni Inang Silaya sa mga bisita.

“Nagkaroon po tayo ng pagtitipon sapagkat ngayong gabi, pipili tayo ng panibago nating Kapitan! Ang siyang maglilingkod para sa ating bayan at poprotektahan tayo sa kahit ano mang sakuna o problema, kahit saan man, kailanman...”

The story has been taken without consent; if you see it on Amazon, report the incident.

Lumakas ang ingay sa ere matapos ng talumpati ni Inang Silaya. Nagkaroon ng talakayan ang mga tao sa loob ng taberna kung sino ba ang iboboto nila. Walang nag-away. Nag-usap lang. Nasa kultura na nila ito. Hangga’t makakaya, hindi dapat natin pinapahamak ang ating mga kababayan.

"Dalawa ang ating pagpipilian! Hayaan niyo akong ipakilala sila. Una, ang ating dating kapitan, ang inyong Amang Verano!"

Tumayo si Amang Verano mula sa kanyang upuan. Malaki ang ngiti. May laki pa rin ang katawan kahit matanda na.

"At pangalawa, ang lider ng ating mga sundalo, si Ginoong Monteverde!"

Mula sa kabilang dulo ng mesa na ginagamit ng dating kapitan ay nakaupo si Ginoong Monteverde, at sa pagkarinig ng kanyang pangalan ay itinaas lamang ang kanyang kamay at tiningnan ang madla.

Hindi na muna nakinig si Urien sa mga susunod nilang pinagsasabi. Kailangan niyang ayusin ang sarili niya.

'Kung gusto kong ipa-abot ang mensahe ko, hindi dapat ganito,' naisip niya. 'Kailangan kong kumalma. Tao lang din sila, gusto nila ng kaligtasan. Pero kailangan ay may magawa tayo, lalo na't palala nang palala si Grandor. Iyon nalang ang iisipin ko.

'Umayos ka, Urien.' itinatak niya sa kanyang isip.

Huminga siya nang malalim. Paulit-ulit. Hangga’t wala nang bigat sa kaniyang isipan.

Nangibabaw ang boses ni Inang Silaya matapos ng talumpati ni Amang Verano.

"Ipapakilala ko naman sa inyo ang ating pangalawang kandidato, si Ginoong Monteverde!"

At hindi na napigilan ni Urien na makinig.

Sa entablado ay tumayo ang Ginoo, matangkad, malaki ang katawan, may kakayahan talagang lumaban. Hindi biro ang mga kuwentong naririnig ni Urien tungkol sa kaniya. Pinanganak talaga siya upang mamuno at lumaban. Minsan, nakakalimutan ni Urien na purong Curan siya.

"Mga kababayan ko, alam niyo naman ang ating sitwasyon, hindi ba?"

Malakas ang tunog ng kaniyang boses. Malalim. Maeengganyo kang makinig.

“Ngayon ay mas lalo pang pinapahirapan nila Grandor ang mga Teccian. Siguro naman ay nakarating sa inyo ang balita patungkol sa Koliseo na ipinagawa niya. Nakakasuka!”

Sa kaniyang mga salita ay mas tumahimik ang kuwarto. Tila kahit ang paghinga ng mga tao ay naririnig ni Urien mula sa kusina.

“Alam ko naman na tayong mga Curan ay nasanay na sa pagtatago lamang. Alam kong wala sa dugo natin ang lumaban. Ngunit sa sandaling makita tayo ni Grandor, wala na tayong pagkakataon na sumigaw man lang. Kapag nakita niya na namumuhay pa tayo, hindi na natin maipaglalaban ang Cura!”

Para bang sinesermonan ni Ginoong Monteverde ang mga tao sa taberna. At lahat naman ay nakikinig. Si Amang Verano, sa gilid, ay humihinga nang malalim.

Sa utak ni Urien, hinahanap niya ang tamang sagot; sino nga ba dapat ang mamuno? Sa ngayon, mas kinikilingan niya ang panig ni Monteverde. Kailangan nilang lumaban. Napapagod na siyang magtago. Ngunit sa mga taon na namuno si Amang Verano, mas naging masagana ang buhay sa Cura! Nabigyan kami ng pagkakataong mag-aral nang mabuti, natutunan ng mga tao kung paano makitungo nang maayos sa kanilang kapwa… Gayunpaman, hindi ganito ang kailangan natin ngayon. Sa bawat segundong nagsasalita si Monteverde ay mas lalo lang umiinit ang ulo ni Urien kay Grandor. Gusto na niyang tumigil ang lahat ng kaniyang pang-aalipusta sa mga mamamayan. Sa pagtatapos ng araw, kababayan pa rin nila ang mga Teccian. At hindi mawawala ang katotohanan na masamang tao ang kanilang pinuno.

“Kailangan nating lumaban, hindi bukas, hindi bukas makalawa, kundi ngayon! Kung ako ang maging pinuno, aaralin natin kung paano makipaglaban, kung paano tayo sasabak sa giyera, sa panahong mahanap tayo ni Grandor. Hindi tayo mabibigo! Iyan ang pangako ko.”

Kakaunti lang ang pumalakpak. Mabagal na lumakad si Monteverde sa kaniyang upuan. Sa reaksyon palang ng mga tao, alam na ni Urien na wala nang pag-asa na manalo pa siya.

Tumayo si Amang Verano. Tumigil ang madla.

"Sa oras po na ito ay sana'y mabigyan niyo ako ng pagkakataong magsabi ng aking pananaw. Ginoong Monteverde?" sabi ni Amang Verano.

Tumango si Monteverde mula sa kaniyang upuan. Itinuloy ni Verano ang kaniyang talumpati.

"Mga kababayan ko! Mga Curan! Alam kong nasa tabi tayo ng lagim, ng malaking sakuna. Tama lang na matakot dahil sa lagay ng ating nayon. Ngunit, at siguro'y alam niyo na ito, hindi ako sang-ayon sa plano ni Ginoong Monteverde."

Tumingin si Verano kay Monteverde, nanghihingi ng patawad.

"Natatakot kayo dahil sa hari ng Teccao. Palalim na nang palalim ang kaniyang hawak sa mga Kanluran, at tayong mga Curan ay maaaring nasa panganib na rin. Ngunit sa ngayon, hindi muna dapat ito ang kinakailangan nating paglaanan ng oras."

Lumaki ang mga mata ni Urien.

"Hindi ko papayagan na maghirap ang tao para mapabagsak si Grandor. Ang pinakamabisang anyo ng panghihiganti na ating magagawa ay ang pagpapabuti ng ating kultura at pagsasama. Dahil sa Cura, tayo ay ligtas! Sa Cura, lahat tayo ay maaaring mamuhay nang mapayapa at malaya!"

Ngumiti ang lahat. Ito ang gusto nilang marinig. Ayaw nilang makita ang katotohanan, dahil hindi sila makakatulog nang maayos tuwing gabi kung maisaulo man nila. Gusto nila ang imahinasyon na hanggang sa pagtatapos ng kanilang buhay, hindi nila makikita ang pagmumukha ni Grandor.

Namula ang mata ni Urien. May galit na namumuo sa kaniyang dugo, kumukulo, naghihintay na lumabas sa bawat segundong nagsasalita si Verano.

“Hindi na natin kailangang lumaban pa! Ang pag-ibig ni Inang Kalibutan ang ating proteksyon!”

Mga mangmang, bulong ng dalaga. Mga mahina. Hindi dapat tayo ganito. Hindi puwede.

Tuluyan nang nawala ang engkanto ni Amang Patricio sa kaniya.

Nakasimangot na umalis si Urien mula sa kusina, at ihinanda na niya ang kanyang kulitong. Sa kaniyang pagtapak sa entablado ay nalito ang mga nanonood, ngunit sila’y nagpalakpakan. Napahinto sa kaniyang talumpati si Amang Verano, at napilitan siyang umatras at umupo. Kinuha ni Urien ang isa sa mga upuan at doon niya hinarap ang mga mamamayan ng Cura.

“Anak! Iyong hintayin ang pagkakataon mo-” ngunit hindi na nakapagsalita si Inang Silaya nang makita niya ang namumula na mga mata ni Urien.

Lumaki ang tensyon sa ere. May mali, tingin ng madla.

Kinalabit ng dalaga ang mga kuwerdas ng kulitong. Tumahimik ang lahat. Nagsimula si Urien na kumanta. Mabagal ang simula, parang hinehele ka ng iyong nanay. Ngunit may takot kang mararamdaman sa mga salita.

Hayaan niyo akong magsalita…

Paano ko magagamit ang aking utak?

Pinipigilan mo ang aking luha…

Karunungan ko ba'y balewala?

Huminto nang saglit si Urien. Sinulyapan niya ang mga tao. Wala silang magawa kundi manood, ngunit alam ni Urien na natatakot sila. Tama lang. Dapat nilang malaman.

Hayaan mo akong tingnan ang tama.

Wala na ba akong nadadarama?

Bumilis ang tiyempo ng kanta, lumakas din ang boses ni Urien. Binuhos niya ang lahat ng kaniyang sama ng loob sa bawat pitik niya sa mga kuwerdas ng kulitong.

Balewala lamang ‘to sa inyo!

Kasalanan na pala ang totoo…

Sarado lamang ang inyong pinto!

Kasalanan na pala ang tumayo,

Para sa bayan ko.

Mayroong mga nakakuha ng gustong ipahiwatig ni Urien. Tumayo, lumabas ng taberna. May mga sumigaw.

"Hoy! Anong nangyayari rito? Anong pinagsasasabi mo?" sigaw ng isang matandang babae sa likod.

Marahas na bumubulong si Inang Silaya sa gilid niya.

"Urien! Hindi nila 'to nagugustugan! Itigil mo 'yan, o tatawagin ko si Rashana!"

Walang imik si Urien.

Hayaan niyo ako na magkamata.

Hindi ako bulag sa kasinungalingan nila.

"URIEN! Tumigil ka, ngayon na." bulong ni Inang Silaya.

Mukhang isa lamang ang nakakaunawa sa kanta ni Urien. Nakatutok ang mata at tainga ni Ginoong Monteverde sa kaniya.

"Urien, hindi mo ata naiintindihan–" sabi ni Amang Verano, ngunit tinitigan siya ni Urien. Ramdam niya ang galit ng dalaga. Nasaksak siya ng totoong damdamin ng bata. Nang iilang segundo roon, naunawaan niya ang kung ano man ang nasa mata ni Urien.

Kailan kaya ninyo makikita?

Dinidiliman pa nila ang tinta.

At sa sandaling iyon, hindi na nakayanan ng kuwarto ang bigat ng hangin. Nagpatawag na si Inang Silaya ng mga guwardiya upang mapalabas si Urien. Marami na rin ang lumayo mula sa entablado at nagpalit ng upuan. Ngumiti si Urien. Gumagana ang kaniyang plano.

Habang siya ay kumakanta, kinuha ng mga guwardiya ang kaniyang kulitong at inilapag sa isang mesa. Tiningnan ni Urien ang mga tao. Lahat sila’y pinagmamasdan siya na para bang may malaki siyang kasalanang ginawa.

Hinawakan nila ang kaniyang mga balikat at hinila siya palabas ng taberna. Sa kaniyang pag-alis, hindi tumigil sa pagkanta si Urien.

Hayaan niyo…

Hayaan niyo ako…

Hayaan niyo akong magsalita…

Hayaan niyo…

Hayaan niyo ako!

Hayaan niyong ipaglaban kayo…

Ngunit huli na ang lahat. Unti-unti nang nawawala mula sa mga gilid ng silid ang kaniyang boses. Ang natira nalang ay ang pag-asa ni Urien na sana, kahit may isa man lang na taong narinig at tinanggap ang katotohanan.

Ihinagis sa kaniya ang kulitong mula sa kabilang dulo ng pintuan.

Naisara na ang pinto ng taberna at naiwanan na si Urien sa labas. Ngumingiti, tumayo siya at hinawakan nang mahigpit ang pag-asang natira sa kaniya.

- - -

Kay sarap ng damuhan sa latian. Oo, malamok, madilim, mapanganib. Ngunit dito lamang nailalabas ni Urien ang kaniyang sama ng loob. Dito lang siya nakararamdam ng totoong kaligtasan.

Sa kaniyang paligid ay ang mga nagtataasang puno na tila hindi nauubos kahit na gaano karami ang kanilang ibagsak. Ang ilog na mahinahong dumadaloy mula sa mga burol sa kanan papunta sa karagatan sa kaliwa. Ang mga palakang pumaparito't roon, kumukuha ng pagkain. Dito nabuo ni Urien ang mga una niyang alaala. Kagaya na ng kaniyang unang kulitong.

Naaalala pa niya noong naupo sila ng kaniyang nanay malapit sa ilog. Tumabi si Rashana sa kaniya habang tinatapos ang regalo niya para sa kaniyang anak. Siya na mismo ang nagputol ng puno, nag-ukit, at nagpakintab ng kulitong na ginagamit ni Urien ngayon. Ang batang Urien, naglalaro lamang sa ilog, pinapanood ang daloy ng tubig at hinahabol ang mga paruparo. Nang ibinigay ito sa kaniya, nanginginig ang kamay ng ina. Niyakap siya nito bago niya masubukang patunugin ang mga kuwerdas. Sa unang kalabit ni Urien, nabighani na siya sa musika.

Nakakapanghinayang na tapos na ang mga araw na iyon. Ang iniisip nalang ni Urien ay, hindi na maiiwasan ang nangyari sa kaniyang ina. Bata pa lamang siya ay may problema na ang kaniyang ina. Panahon na lamang ang naghihintay. Ngunit hindi talaga matanggal ang sakit…

Sa hangin ng latian nalang niya hinahanap ang mapagmahal niyang Rashana. Kahit mga alaala nalang ang magpasaya sa kaniya, sapat na ito.

At tsaka, mapayapa naman ang mundo. Kasama lang niya ang mga kuliglig na nagtatago sa mga puno, ang mga buwaya na marahil naghihintay na sa kaniya sa pagbagsak niya sa ilog. Buti rito, kahit nag-iisa siya, hindi niya nararamdaman na siya’y mag-isa. Hindi katulad ng kapag kasama niya ang mga Curan, kahit na maraming kasabay, tila ba ang hirap makisalamuha.

Buti rito, makagagawa siya ng musika na hindi nagbibigay ng mensahe, o sinasaway ang tao, o may ano pang ibang layunin. Dito, purong mahika lang sa kaniyang tainga ang bumubunga.

Kalimbahing tinig…

Ang unang kantang itinuro sa kaniya ni ina.

Oyaying kaibig-ibig…

O, kay sarap pakinggan ng himig mo,

Sa aking paghimbing…

Kay tagal na nang huli niyang maalala ang kantang ito. Sa kaniyang isip, para bang sinasabayan pa siya ng kaniyang ina. Naririnig niya ang boses niyang mahiwaga, na hindi na niya naririnig kahit minsan.

'Di ko malilimutan,

Ang kumot ko na luntian…

Niyayakap mo ang puso,

Hanggang sa paghilom ng mundo…

Lumakas pa ang boses ni Rashana sa kaniyang isip. Kay tamis pakinggan, nakakaantok… Kung puwede lang na humiga na muna siya katabi ng kaniyang ina, na walang pake sa mga problema ng mundo…

Ang rosas nyang mga pisngi,

At ilan pa ngang ngiti ang

binigay sa malamayang buhay…

Natakpan ng bahaghari,

Lumuha na si Urien. Hinayaan lang niyang matubigan ang damo ng kaniyang luha. Lumabo ang kaniyang paningin. Parang nag-iba ang paligid. Ngunit tuloy pa rin siya kahit nanginginig na ang boses. Lumiliwanag na nga ata, sa tingin niya…

Ang langit na kung kailan lamang ay bughaw,

Ngayon ay nagnining sa paglubog ng araw…

Kinulay mo ang dagtum na planeta…

Kalimbahing tinig ang iyong tanging sandata…

May namumuong liwanag sa paligid na hindi maintindihan ni Urien. Para bang sumasalangit ang kaniyang kaluluwa. Iniisip niya ang kaniyang ina. Kung maramdaman siguro niya ang ginhawang ito, makakapagpahinga na ba siyang may ngiti sa mukha…?

Unti-unti pang lumalakas ang ilaw… Nakabubulag na.

Ang musikang dinadala…

pinipintura ang mundo…

Salamat sa iyo…

Napahinto na si Urien. Hindi na ito tama… gabing-gabi na, ngunit parang ang liwanag ng mga gilid ng puno. Tumigil siya sa pagkanta, at inilapag ang kulitong sa tabi ng puno. Hindi ganito ang ningning ng buwan.

Sinundan niya ang ilaw, kung saan ba ito nanggaling. Dahan-dahan siyang lumakad patungo rito. Hanggang sa marinig niya muli ito… ang boses ng kaniyang ina.

Kulay lilang paningin…

Sa mundong binuksan sa akin…

Ang aramillang liwanag,

Ng umagang iyong inihain…

Ngunit hindi siya ito. Iba ang boses na ito. Masyado siyang…. Mahiwaga. Ang tunog ay mukhang hindi galing sa bibig ng isang tao. Nagtaka si Urien. Kahit nakabubulag na, nilapitan niya ito. Pinikit niya ang kaniyang mga mata, mabagal na inaangat ang kaniyang paa para sa susunod na pagyapak… Ano ang nangyayari?

Tik.

Hindi pa man nagsimulang maunawaan ni Urien ang nangyayari, natapilok siya.

Natumba ang dalaga at napasigaw siya. Biglang dumilim ang lahat. Nawala ang ilaw. Nanibago nang bigla ang kaniyang mga mata. At hindi na niya inaakalain, nahuhulog na pala siya sa bangin. Gumulong ang katawan ng dalaga pababa, ginagasgas ng mga bato't kahoy, dinudumihan ng lupa.

Bumagsak ang kaniyang katawan sa buhangin.

Huminga siya nang malalim. Hinawakan ang sariling katawan.

'Buhay pa.' bulong niya.

Tumayo si Urien at inayos ang kaniyang sarili. May idadagdag nanaman siya sa lalabhan. Napasimangot nalang siya.

Ngunit hindi niya malimutan ang ilaw. Saan ito nanggaling? Sino 'yung kumakanta? Bakit ito nawala noong gumawa ako ng ingay?

Marami pang tanong ang tumatakbo sa kaniyang isipan. Nabigla siya. Napaupo ang dalaga sa lupa at nag-isip.

Ngunit mas madadagdagan pa ang kaniyang mga katanungan.

Lumingon si Urien at kaniyang nakita ang sa tingin niya ay ang pinanggalingan ng ilaw at musika.

Isang malaking makina na watak-watak at punong puno ng lumot. May kakaunti pang usok na lumalabas mula sa taas nito. Nilapitan niya ito at hinawakan… makinis. Sinasalamin ng materyal ang ilaw ng buwan. Madulas rin, mukhang galing sa karagatan…

'Ano ito…?' tanong niya sa sarili niya.

At biglang may tumapak sa damuhan.

Sa likuran nito, nakatayo ang isang binata. Duguan, marumi, basang-basa.

"T-tulong…" tawag ng binata.

Previous Chapter
Next Chapter